365 total views
Umapela ang Church People-Workers Solidarity sa pamahalaan na itigil na ang patuloy na pag-uugnay sa ilang mga indibidwal na kaanib ng makakaliwang grupo o red-tagging.
Ayon kay San Carlos Bishop Gerardo Alminaza-chairperson ng Church People-workers, ito ay nag-aanyaya lamang ng karahasan sa mga taong iniuugnay sa komunistang grupo.
Pagbabahagi pa ng obispo, nakababahala ang red-tagging kung saan maging ang mga lingkod ng simbahan ay hindi rin ligtas sa mga maling paratang nang pakikisangkot sa mga makakaliwa at komunista.
“So, no one is spared now, I hope they stop red-tagging and really focus on addressing the root cause of the problem,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Alminaza sa panayam sa Radio Veritas.
Paliwanag pa ng obispo na siya ring vice-chairman ng NASSA/Caritas Philippines, sa halip na tutukan ang red-tagging sa mga kritiko bilang mga kalaban ng administrasyon ay mas dapat tutukan ang pagtugon sa mga suliraning panlipunan na nagpapahirap sa mamamayan.
Sinimulan na ng senado ang imbestigasyon sa red-tagging o ang pagdadawit ng militar sa ilang mga personalidad at grupo ng mga kababaihan sa mga rebeldeng komunista.
Isa sa mga ipinatawag ng senado ay si Armed Forces of the Philippines (AFP) Southern Luzon Command Chief Lt. Gen. antonio Parlade Jr., na nag-ugnay sa ilang mga artistang babae bilang mga kaanib ng mga komunista base sa kanilang mga personal social media account.
Nanawagan rin si Bishop Alminaza sa lahat na maging mapagmatyag at mapagbantay upang maproteksyunan ang mga nadadawit sa red-tagging na karamihan ay ang mga pumupuna sa kawalan ng katarungang panlipunan at patuloy na paghihirap ng mga mamamayan.
“I think ang panawagan ko siguro is to be vigilant and to keep calling for protecting itong ating mga kapwa na sinisikap lang na umahon tayo sa kahirapan at mapaganda naman yung pamumuhay nung ating kababayan na mahihirap ay nire-red-tag pa sila. So I don’t know pwede sa social media o whatever means that we can organized to protect this people but part of it is really exposing and talking it [para mapigilan ang anumang karahasan laban sa mga na-red-tag],” dagdag pa ni Bishop Alminaza.