1,525 total views
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na magkaisang bumangon sa gitna ng mga pagsubok na kinakaharap sa buhay.
Ayon kay San Jose Bishop Roberto Mallari, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education, bagamat kapwa nahihirapan ang mamamayan sa mga suliraning kinakaharap ito rin ang wastong panahon upang pairalin ang pagmamalasakitan sa kapwa.
Ang mensahe ng obispo ay kaugnay sa pananalasa ng bagyong Ulysses sa malaking bahagi ng Luzon sa gitna ng corona virus pandemic at pagbangon sa pinsalang dulot ng super typhoon Rolly.
“Ito yung panahon na sama-sama tayong nasasaktan at nasusugatan pero ito’y pagkakataon din na magtulong-tulong at maipadama sa isat-isa na kung tayo ay nagkakaisa, mas matatag at matibay tayo,” pahayag ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Panawagan ni Bishop Mallari sa mamamayan na patuloy ipagdasal ang kaligtasan ng mga direktang nasalanta ng bagyo lalo’t karamihan dito ay hindi pa nakabangon sa epekto ng bagyong Rolly.
Matatandaang nanalasa ang bagyong Ulysses sa Bicol region na matinding napinsala ng super typhoon Rolly habang matinding pagbaha din ang idinulot sa iba’t-ibang bahagi ng Luzon kabilang na ang National Capital Region.
Sa inisyal na tala ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng Daet Camarines Norte, isa ang nasawi habang apat katao naman ang nawawala dahil sa pagbaha.
Patuloy ang ginagawang assessment ng Diyosesis ng San Jose Nueva Ecija sa pinsalang natamo ng bagyong Ulysses lalo’t kabilang ang Nueva Ecija sa dinaanan ng mata ng bagyo.
Iginiit ni Bishop Mallari na bukod tanging panalangin ang mabisang pananggalang ng tao laban sa anumang trahedya.
“Samahan po natin ng maraming dasal para maging mas matatag po tayo sa harap ng mga pagsubok na pinagdadaanan,” dagdag ng obispo.
Sa huling ulat ng PAGASA kasalukuyang nasa West Philippine Sea ang bagyong Ulysses ngunit mahigpit pa rin ang babala sa mamamayan na mag-ingat dahil sa tuloy-tuloy na pagbuhos ng malalakas na ulan bunsod ng bagyo.