10,769 total views
Hindi kailanman mahihinto ang pagpapatawad at pagmamahal ng Panginoon sa sanlibutan.
Sa kanyang Easter message, inihayag ni Bayombong, Nueva Vizcaya Bishop Jose Elmer Mangalinao ang walang hanggang pag-ibig ang dahilan kaya’t inialay ni Hesus ang Kanyang buhay upang matubos ang mga tao sa kadiliman ng kasalanan.
Sinabi ni Bishop Mangalinao na hatid ng aral mula sa muling pagkabuhay ni Kristo ang paanyaya sa bawat isa na yakapin ang Kanyang pagmamahal at gawin ang nararapat upang tuluyang talikdan at pagsisihan ang mga nagawang kasalanan.
“Sa karanasan po natin sa aral ng ebanghelyo, hindi napatay ng kasalanan ng tao ang pag-ibig ni Kristo sa atin. At kailanman, balutin man, o takpan man ang ating sarili ng iba’t ibang uri ng kasalanan, ito ay maaalis ng pagmamahal ng Maykapal,” bahagi ng Easter message ni Bishop Mangalinao.
Inihayag naman ng obispo na ang biyaya ng muling pagkabuhay ay nagsisilbing lakas ng bawat isa upang tumugon nang may pagmamahal at kakayanang maglingkod sa kapwa.
Iginiit din ni Bishop Mangalinao ang patuloy na pagsasabuhay sa diwa ng synodality, na sama-samang magsikap na gawin ang makakayanan para sa ikabubuti ng sambayanan.
“Nawa ang biyaya ng muling pagkabuhay ay magbigay sigla sa atin na gawin ang nararapat sa araw-araw ng ating buhay. Let us embrace the gift of hope, the gift of love, the gift of joy in the life that the Lord gives us,” ayon kay Bishop Mangalinao.