12,406 total views
Ilulunsad ng Ministers of the Infirm-Philippine Province o Camillians ang isang taong pagdiriwang para sa ginintuang anibersaryo ng pagdating ng mga paring kamilyano sa Pilipinas.
Magsisimula ito sa pamamagitan ng press conference ngayong Sabado, May 25, 2024 sa Our Lady of La Paz Parish sa Makati City ganap na alas-otso ng umaga.
Nakapaloob dito ang pagbabahagi ng mga magiging programa para sa pagdiriwang ng ika-50 taon ng Camillian presence sa bansa na pangungunahan ni Camillian Philippines Provincial Superior Fr. Evan Paul Villanueva, MI.
Inaasahang makakasama ni Fr. Villanueva sa presscon sina Camillian Pioneer, Fr. Ivo Anselmi; first Filipino Camillian, Fr. Rolando Fernandez; 50th anniversary committee chair, Fr. Angel Crisostomo; at Lay Camillian, Ms. Ruby Lontoc.
Susundan naman ito ng opisyal na paglulunsad at logo unveiling para sa ika-50 anibersaryo ng Camillians sa Pilipinas, at ganap na alas-10 ng umaga nama’y ipagdiriwang ang banal na Misa at diaconal ordination sa mga kamilyano.
Taong 1974 nang dumating sa Pilipinas ang mga Kamilyano na nagresulta sa patuloy na pagdami ng mga lokal na bokasyon at pagtatatag ng Camillian religious houses sa bansa, kung saan July 1, 2003 nang ng ganap na itatag ang Camillian Philippine Province.
Itinatag ni San Camilo de Lellis ang Ministers of the Sick na kalauna’y tinawag na Ministers of the Infirm o mas kilala bilang Camillians na ang tungkuli’y maglingkod sa mga may karamdaman at higit na ilapit ang kagalingang hatid ng Panginoong Hesukristo.
Itinuturing naman si San Camilo bilang patron ng mga may karamdaman, mga ospital, at healthcare workers.