22,113 total views
Inihayag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Basic Ecclesial Community na mas pinagtitibay ang munting pamayanan sa bansa para sa higit na pagmimisyon ng simbahan.
Ayon kay CBCP-BEC Chairperson, Iligan Bishop Jose Rapadas III kasabay ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa iisang Diyos itinalaga ng simbahan sa BEC Sunday sapagkat ipinakikita nito ang bigkis ng Diyos para sa pagbubuklod ng mga komunidad sa lipunan lalo na sa mga mahihinang sektor.
“The Holy Trinity actually inspires our BEC to continue to build communities that brings into unity and diversity of people, yung ating mga BEC also would like to promote the value of the person,” pahayag ni Bishop Rapadas sa Radio Veritas.
Bukod pa rito ang mga programang pangkalikasan na isinusulong ng BEC sa mga komunidad upang himukin ang bawat mamamayan na makiisa sa pangangalaga ng kapaligiran at mapigilan ang tuluyang pagkasira nito na magdudulot ng malawakang climate crisis.
“Recently we see the challenge now itong climate change and we think that this also an important invitation to the BECs to become Basic Ecological Communities that is expected to walk in synodality with creation,” ani ng obispo.
Binigyang diin ni Bishop Rapadas na isa sa mga gawain ng BEC ang pagpapatibay sa pundasyon ng pamilya.
Ito ang tugon ng obispo nang maipasa ng kamara ang House Bill No. 9349 o Absolute Divorce Act na magpapahina sa pundasyon ng pamilya.
“Itong ating mga BECs mahalaga na muling mapagnilayan yung kahalagahan ng pagtitibay ng pagsasama ng mga mag-asawa upang maging matibay din ang buong pamilya, ang BECs at ang ating sambayanan,” giit ni Bishop Rapadas.
Bilang paghahanda sa BEC Sunday nagsagawa ng triduum mula May 23 sa pangunguna ng Diocese of Malaybalay kung saan pinagnilayan ang temang ‘Building Basic Ecological Communities in Synodality with Indigenous Peoples and all creation’; May 24 sa Diocese of Gumaca sa temang ‘Building Basic Human Communities in Synodality with the poor’; May 25 sa Diocese of Tagbilaran sa temang ‘Building New Communities in the context of modern society in Synodality with new and emerging communities; at sa BEC Sunday sa May 26 sa Apostolic Vicariate of Bontoc-Lagawe sa temang ‘Building BECs in the context of diverse cultures, faiths, and other beliefs.’
Batay sa kasaysayan dekada sisenta ng unang maitatag ang BEC kasunod ng Second Vatican Council kung saan nangunguna rito ang Brazil at Pilipinas.
Noong 1991 sa Second Plenary Council of the Philippines naging bahagi ng pastoral priority ng simbahan sa bansa ang BEC na layong mapagtibay ang pamayanan at higit na maisulong ang misyon ng simbahan.