862 total views
Sa ating bansa, mahirap makahanap ng updated na datos ukol sa sitwasyon ng mga may kapansanan. Kaya nga’t mahirap talaga malaman ang tunay na sitwasyon ng persons with disabilities (PWD) at bigyan ng aksyon ang tunay nilang sitwasyon kung kinakailangan.
Base sa 2010 census, ang pinakahuling census kung saan naisama ang mga PWDs, 1.4 milyong Pilipino ang may disability. Halos kalahati (49.1%) ay babae. Pinakamataas din ang antas o prevalence ng kapansansan sa hanay ng mga batang edad 5-19 years old.
Ang United Nations nga kapanalig, makailang beses ng nanawagan na bigyan natin ng atensyon ang mga bata at babaeng PWDs. 15% ng global populasyon, o mga isang bilyong tao, ang mga may kapansanan. At ang mga babae at bata ang kadalasan nakakaranas ng mas palasak na diskriminasyon.
Ang mga babaeng PWDs, kapanalig, ay minsan nagiging biktima ng mga gender-based violence at wala silang kalaban-laban dito. Nakakaranas rin sila ng diskriminasyon pagdating sa kanilang karapatan sa kalusugan, particular na sa reproductive rights. Ang mga batang PWDs naman kapanalig, mas hirap makapag-aral. Kaunti lamang ang mga institusyon na nag-aalay ng mas akmang serbisyo para sa mga may kapansanan.
Ang Philippine Institute for Development Studies (PIDS), ay may isang pag-aaral ukol sa PWDs sa ating bansa. Nagsurvey sila sa mga PWDs sa probinsya ng Cebu. Sa pag-aaral na ito, nakita na mataas ang gender gap sa edukasyon at trabaho sa hanay ng mga babaeng PWDs. Vulnerable rin ang sitwasyon ng mga bata.
Nakita ng pagsusuri na hindi sapat ang aksyon ng gobyerno ukol sa paniniguro na mas maaga made-detect ang kapansanan sa mga bagong silang. Ito ay isang malaking gap, dahil kung mas maaga malalaman kung may kapansanan o wala ang isang bata, mas madali at mas maaga ang mga interbensyon ang maaring maialay sa kanila. Kung meron mang mga test na maaring gawin upang malaman kung may kapansanan o wala, mahal ito. Hindi ito kayang tustusan agad-agad ng ordinaryong pamilya.
Ayon din sa pag-aaral, ang access sa mga health facilities ay mahirap para sa mga PWDs. Malayo ang mga mga pasilidad, at kailangang gumastos ng malaki para makaabot dito, lalo na kung sa rural areas ka manggagaling. Kahit walang kapansanan, mahirap makakuha ng pangkalasugang serbisyo dahil sa layo, paano pa kaya kung babaeng PWD at nagdadalang tao?
Ilan lamang ito kapanalig, sa mga karaniwang nararanasang hirap ng mga babae at batang PWD. Trabaho, access sa batayang serbisyo, at gender-based violence: mga malalaking isyu na hinaharap ng maraming PWDS sa ating bansa. Kailangan na nito ng agarang aksyon. Ang Gaudium et Spes ay may akmang aral para sa ganitong isyu: Magkakaiba man, lahat naman tayo ay may pantay pantay na dignidad. Mula sa dignidad na ito, dapat tayo ay kumilos upang mas patas at makatao ang kondisyon ng bawat isa sa atin. Ang malawakang hindi pagkapantay-pantay ng sangkatauhan ay isang iskandalong sumisira ng panlipunang katarungan, dangal ng ating pagkatao, at ng kapayapaan.