268 total views
Nararapat ng magkaroon ng pagbabago sa “punitive mentality” sa bansa kung saan namamayani ang pagkondina, pagpaparusa at pagpapanagot sa mga nagkasala na pagkakait ng pag-asa sa isang indbidwal na makapagbagong buhay.
Ito ang apela ni Bishop Pedro Arigo, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Prison Pastoral Care kaugnay sa katatapos lamang na Prison Awareness Week.
Paliwanag ni Bishop Arigo, dapat na baguhin ang naturang mentalidad at bigyan ng pag-asa o pangalawang pagkakataon ang mga bilanggo na makapagsisi, makapagbalik-loob at makapagbagong buhay.
“Ang dapat nating baguhin yung tinatawag nating punitive mentality. Nagkasala iyan, ikundina yan, parusahan yan, ikulong yan at katulad ng nangyayari ngayon patayin yan. Para bang wala ng pag-asa kaya kailangan tayong pumihit, yung tinatawag na paradigm shift na sa lugar na tayo’y parang condemnatory very punitive ang ating issue ng justice baguhin natin, na itong mga taong ito ay biktima ng lipunan, may pag-asa pa bigyan lang ng pagkakataon…” pahayag ni Bishop Arigo sa panayam sa Radyo Veritas.
Umaasa rin ang Obispo na napukaw ng ginunitang Prison Awareness Week ang kamalayan ng mga mamamayan upang magkaroon ng ibang pagtingin sa mga bilanggo na nangangailangan ng tulong at pangalawang pagkakataon sa lipunan.
Pagbabahagi ni Bishop Arigo, ang mga bilanggo o ang mga kriminal ay dapat ring ituring na mga biktima ng lipunan na dahil sa kawalan ng pag-asa, kawalan ng edukasyon at kahirapan ay mas nagiging lantad upang gumawa ng masama gaya ng paglabag sa batas.
“Mag-iba sila ng pagtingin sa mga nasa bilanguan, bagamat sabihin natin nakagawa sila ng tinatawag nating krimen pero ang karamihan sa kanila ay mga biktima rin, biktima ng buong lipunan halimbawa. Kawalan ng pag-asa, kawalan ng edukasyon, kahirapan”.dagdag pa ni Bishop Arigo.
Pinangunahan ni Bishop Arigo ang naging paggunita ng 30th Prison Awareness Sunday sa Sta. Cruz Church kung saan matapos ang misa ay ilang mga volunteers din ang ginawaran ng Gawad Paglilingkod Award bilang pagkilala sa higit 3-taong pagsi-serbisyo ng mga volunteer sa mga bilanggo sa pamamagitan ng iba’t ibang ministry ng Simbahan.
Isa sa mga ginawaran ng parangal ay si Bro. Rene Marcelo bahagi ng Extraordinary Ministers for Holy Communion mula sa Bisig ni Kristo Community na naglilingkod sa Manila City Jail.
Ayon kay Marcelo, handa siyang maglingkod at ipagkaloob ang kanyang sarili sa Pangiooon sapagkat ang pagbibigay ng communion ay hindi lamang dapat na ipinagkakaloob sa loob ng Simbahan kundi higit ring mahalaga na maibahagi si Kristo sa loob ng bilangguan para sa mga taong nangangailan.
Batay sa tala ng CBCP Episcopal Commission on Prison Pastoral Care may aabot lamang sa 2,500 ang bilang ng mga volunteer sa buong bansa na nagkakaloob ng iba’t ibang programa upang makatulong at bigyan ng panibagong pag-asa ang mga bilanggo.