164 total views
Ang pagtulong ay hindi nasusukat sa laki ng donasyon kundi sa malinis na intensyon sa pagkakaloob ng tulong.
Ito ang inihayag ni Finda Lacanlalay–Executive Director ng Hapag-asa Feeding Program ng Assisi Development Foundation at Pondo ng Pinoy ng Archdiocese of Manila kaugnay sa naging panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco laban sa mga donasyon para sa Simbahan na nagmula sa masama o ang tinatawag na “dirty money”.
Paliwanag ni Lacanlalay, ang pagbabahagi o pagtulong sa kapwa ay dapat na nagmumula sa taos-puso at dalisay na intensyon na magkaloob ng sarili sa mga nangangailangan maging ito man ay maliit na halaga lamang basta’t nagmula sa malinis na pamamaraan.
“ang lagi nating panawagan, hindi po sa laki ng donasyon yun kundi dun sa ano ba yung puso na kasama nung pagbibigay dun sa nais nating tulungan, this is very important kasi pino-promote kasi natin lalo na sa Pondo ng Pinoy yung Culture of Sharing and Loving na nakabase din dun sa salita ng Diyos, yung talagang pakiinin mo yung nagugutom at painumin ang nauuhaw, yung ganun hindi yung they are giving because they have other intentions..” pahayag ni Lacanlalay sa panayam sa Radio Veritas
Ang Hapag-Asa Feeding Program ang maituturing na pangunahing programang pinuponduhan ng Pondo ng Pinoy na itinatag ni Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales noong 2004 upang mangalap ng mga barya para sa mga programa ng Simbahan at hikayatin ang mga Pilipino na mag-impok hindi para sa sarili kundi para sa pagtulong sa kapwa kahit sa maliit na paraan.
Noong 2015 umabot sa 21,000 malnourished na mga bata ang napakain at natulungan ng Pondo ng Pinoy sa loob ng anim na buwan, habang nasa 25,000 o higit pang mga bata ang target nitong matulungan ngayong taon.
Sa datos ng Global Hunger Index, pang 51 mula sa 117 mga bansa ang Pilipinas na may malubhang antas ng kagutuman noong 2015 kung saan ayon naman sa Social Weather Station Survey umaabot sa 2.5 milyong pamilya ang nakararanas ng katamtamang pagkagutom habang 522,000 pamilya naman ang nakararanas ng malubhang pagkagutom.