1,915 total views
Pinalawig ng Caritas Manila ang pagtulong sa mga benepisyaryo ng Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP).
Ayon kay Susan Gomez – Pangulo ng Caritas Manila Scholars Association, ito ay sa pamamagitan ng pinaigting na pakikipag-ugnayan sa pribadong sektor upang agad na bigyan ng trabaho ang mga YSLEP graduates.
“I think ang ating average namin dito sa Metro Manila na scholars na nagkakaroon ng trabaho is about 90%, 80 to 90%, ang problema lang po natin ay sa probinsya, yun po ang tinutututkan namin na sana ay magkaroon ng employment opportunities in the provinces para hindi na po pupunta dito sa Metro Manila yung ating graduates,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Gomez.
Dagdag pa sa tulong ang paglulunsad ng mga fund raising events na katulad ng Pinta ng Bukas at balik-handog program kung saan simula noong 2022 ay nakalikom na ng higit sa 5-milyong pisong pondo na ihahandog para sa pag-aaral ng mga YSLEP at CAMASA Scholars at programs.
Tiniyak rin ni Gomez na bukod sa tulong sa trabaho at pinansyal na pag-agapay sa mga scholars ay inaalagaan din ang mental health ng mga mag-aaral at CAMASA Members na lubhang naapektuhan ng dahil sa nakalipas na suliranin ng COVID-19 Pandemic.
“But despite the fact na mayroong ganon we created committees that will help, nagkaroon kami ng mga programs for mental health, we also held a program na KAMUSTAHAN and also noong medyo nakaluwag na ang panuntunan ng pandemic then we started all the programs that we left behind,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Gomez.
Magugunitang umabot sa mahigit 1,600 ang napagtapos sa pag-aaral ng YSLEP noong School Year 2022-2023 kung saan umabot sa 111-milyong piso ang nailaan pondo para sa pag-aaral ng higit sa limang libong YSLEP Scholars kada taon.