369 total views
Paiigtingin ng social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pagtugon sa usaping pangkalikasan at pagtataguyod sa maayos na pamamahala.
Ayon kay NASSA/Caritas Philippines National Coordinator, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na ang isinasagawang 40th National Social Action General Assembly (NASAGA) ay mas mapapagtuunan ang pagtalakay at paglikha ng mga programang makatutulong para sa pangangalaga ng kalikasan, pagtugon sa pangangailangan ng mga mahihirap, at pagkakaroon ng maayos na pamahalaan.
“We would like to get as many suggestion that will come from all our social action directors on how we shall be able to implement programs according sa panawagan ng ating Catholic Bishops’ Conference of the Philippines,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi ni Bishop Bagaforo ang National Laudato Si’ Program na inilunsad ng Caritas Philippines noong nakaraang taon na layong paigtingin ang pangangalaga sa inang kalikasan sa pamamagitan ng ensiklikal na Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Sinabi ng Obispo na ito ay naipalaganap na sa bawat diyosesis at parokya na inaasahang makakatulong upang gabayan ang mga pamayanan sa pagtugon sa iba’t ibang pagsubok na hinaharap ng ating nag-iisang tahanan.
“Gusto nating marinig sa kanila, paano nila ginagawa yung response natin on ecology? Baka magkaroon tayo ng overall picture at magkaroon tayo ng one picture na appropriate at tsaka proper response ng ating simbahan in terms of ecology,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Pagtutuunan din ng Caritas Philippines ang programa para sa “good governance” upang masubaybayan ng simbahan ang pagkilos ng pamahalaan sa pagpapatupad ng mga batas at panuntunan para sa ikabubuti ng nakararami.
Iginiit ni Bishop Bagaforo na ito ay panawagan ng CBCP upang ang pakikilahok ng simbahan sa usaping pulitika ay hindi lamang nagtatapos sa eleksyon
“Mas importante ‘yung accountability at tsaka monitoring program na gagawin natin. So we would like to, as much as possible, gather recommendations, suggestions, mga ideas on how we shall do this one from the many social action directors na what we have in the Philippines. So, ito ‘yung isang kahalagahan kung bakit meron tayo nitong NASAGA,” paliwanag ni Bishop Bagaforo.
Kasalukuyang ginaganap ang NASAGA dito sa General Santos City, South Cotabato kung saan napiling host ang Diocese ng Marbel sa pangunguna ni Bishop Cerilo Allan Casicas at social action director Fr. Jerome Milan.
Ang Caritas Philippines ang humanitarian, development, at advocacy arm ng CBCP na nagsisilbi bilang secretariat ng 85 diocesan social action centers, at kinatawan ng Pilipinas sa Caritas Internationalis.