Green Recovery sa Pilipinas

 188 total views

Kapanalig, sa gitna ng gabundok na basura na ating nalilikha araw araw, sa pagbabago ng klima, at pagkasira ng ating kalikasan, napapanahon na ang “green recovery” o ang panunumbalik ng ating luntiang kalikasan.

Bilang isang bansa na mayaman sa likas yaman pero mayaman din sa mga elementong sumisira din nito, kailangan na natin ng mga kongkretong hakbang para tunay na mapangalagaan ang ating kapaligiran. Mahalagang magawa natin ito dahil, kapanalig, ang likas yaman ang pundasyon ng ating kinabukasan.

Kailangan nating magsagawa ng mga hakbang na magbabawas ng epekto ng climate change sa ating bayan habang patuloy na pinoprotektahan ang ating kalikasan. Isang ehemplo nito ay ang rehabilitasyon ng mga degraded forest areas ng ating bayan. Sa ngayon, kapanalig, halos 47,000 na hektarya ng kagubatan ang nawawala sa ating bansa kada taon.

Kailangan din natin ng pagbabago sa ating mga nakagawiang practices sa farming at fishing na sumisira rin ng ating mga lupa at karagatan. Ang pagkakaingin ay patuloy pa ring ginagawa sa ilang lugar sa ating bayan, at ang overfishing ay nangyayari pa rin sa maraming lugar. Pati ating mga bakawan o mangroves ay nasisira na, na proteksyon pa naman sana sa mga daluyong mapaminsala. Pati mga coral reefs natin, delikado na, siyang tahanan ng ating mga isda. Tinatayang mahigit pa sa 30% ng ating mga coral reefs ay “in poor condition” na.

Maliban sa pangangalaga sa kalikasan, ang green recovery ay tungkol din sa “green jobs.” Malaking bahagi ito ng green recovery dahil dito din manggagaling ang malawakang pagbabago sa ating mga nakagawiang practices na nakakasira sa ating kapaligiran. Ang mga green jobs ay mga trabahong tumutulong sa pagpreserba o pagpapanumbalik ng ating kalikasan, gaya ng mga agriculture workers, forestry workers, disaster risk reduction managers at iba pa.

Kapanalig, malalim na pagbabago ang kailangan natin upang tunay na makamit natin ang green recovery.  Ang green recovery ay hindi lamang panunumbalik ng ganda at yabong ng ating kapaligiran, ito rin ay panunumbalik ng ating maayos na ugnayan sa ating kalikasan at pati na rin ng ating humanidad – ng ating dangal bilang kawangis ng Diyos. Sabi nga sa Caritas in Veritate, “Ang paraan ng pagtrato ng sangkatauhan sa kapaligiran ay sumasalamin sa pagtrato nito sa kanyang sarili.” Sana kapanalig, ating mapagtanto, na ang pangangalaga sa ating kalikasan ay pangangalaga rin ng ating relasyon, hindi lamang sa sarili, sa kapwa, o sa kalikasan, kundi sa ating Diyos.

Sumainyo ang Katotohanan.