4,771 total views
Ibinahagi ng Holy See ang matagumpay ma pagbisita ni Cardinal Matteo Zuppi sa Amerika kamakailan.
Sa pahayag ng Vatican nakipagpulong ang kinatawan ni Pope Francis kay US President Joseph Biden at tinalakay ang mga gagawing hakbang upang mawakasan ang sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Iniabot din cardinal ang liham ng santo papa para sa pangulo ng Estados Unidos kung saan inihayag ang labis na kalungkutang bunsod ng digmaan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Sinabi rin ni Cardinal Zuppi na handa ang US sa pakikipagtulungan sa anumang hakbang na gagawin upang magkaroon ng kaayusan ang lipunan at makamtan ang tunay na kapayapaan.
“During the meeting, the full willingness to support initiatives in the humanitarian field, especially for children and the most fragile people, was assured, both to respond to this urgency and to foster paths of peace,” bahagi ng pahayag ng Vatican.
Inatasan ni Pope Francis si Cardinal Zuppi na makipag-ugnayan sa mga bansa tungo sa pag-uusap ng Russia at Ukraine upang tuluyang mawakasan ang mahigit isang taong digmaan sa lugar.
Ayon sa Office of the UN High Commissioner for Human Rights halos sampung libong sibilyan na ang nasawi habang 16-libo ang nasugatan mula nang sumiklab ang kaguluhan sa pagitan ng dalawang bansa habang tinatayang mahigit sa 200-libong sundalo rin ang nasawi sa giyera.
Una nang nagtungo si Cardinal Zuppi sa Ukraine noong Mayo habang nakipagpulong din sa ilang opisyal ng Russia noong Hunyo kung saan tinalakay ang mga gagawin para mahinto ang kaguluhan.
Ipinagkatiwala ng santo papa sa cardinal ang pagiging special envoy for peace lalo’t isa si Cardinal Zuppi sa mga opisyal ng Community of Sant’Egidio sa Roma na namagitan upang mahinto ang 17 taong civil war sa Mozambique noong 1992.