
CBCP-ECPPC, nakikiisa sa paggunita ng Womens Month
687 total views
Nagpahayag ng pakikiisa ang prison ministry ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa paggunita ng sambayanan ng Buwan ng Kababaihan o Women’s Month ngayong buwan ng Marso.
Kinilala ng CBCP – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (CBCP-ECPPC), ang mahalagang ambag ng mga kababaihan sa lipunan lalo’t higit ang dedikasyon sa pagsusulong ng pagkalinga, pagmamahal at pangangalaga maging sa mga Persons Deprive of Liberty (PDLs) na nakagawa ng pagkakasala sa buhay.
Tinukoy ng prison ministry ng CBCP ang pagsusumikap ng mga kababaihang Volunteers in Prison Service (VIPS) na maging tanglaw ng katarungan na nakapaghihilom at nakapagpapaalala sa kahalagahan ng buhay ng bawat isa maging ng mga nakapiit sa mga bilanguan.
“We celebrate the dedication of our Volunteers in Prison Service (VIPS)—Women who bring hope, dignity, and transformation to those behind bars. Your compassion is a beacon of justice that heals, reminding every incarcerated person that they are not forgotten. Thank you for your unwavering service and love.” Bahagi ng pagbati ng CBCP-ECPPC.
Tema ng paggunita ng Women’s Month sa Pilipinas ngayong taon ang “Babae sa Lahat ng Sektor, Aangat ang Bukas,” kung saan una na ring nagpahayag ng pagkilala ang Caritas Philippines na humanitarian, development and advocacy arm ng CBCP sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga kababaihan sa pagtataguyod ng isang makatarungan, at may malasakit na lipunan.
Ang Buwan ng Kababaihan o Women’s Month ay ipinagdiriwang tuwing Marso sa buong mundo habang sa Pilipinas, ito ay alinsunod sa Proclamation No. 227, s. 1988, na nagdedeklara ng Marso bilang National Women’s Month upang kilalanin ang kontribusyon ng kababaihan sa lipunan at itaguyod ang kanilang karapatan at kapakanan.
Ipinagdiriwang naman ang International Women’s Day tuwing Marso 8 bilang isang pandaigdigang araw ng pagkilala sa mga tagumpay ng kababaihan sa iba’t ibang larangan at ng patuloy na laban para sa pagkakapantay-pantay ng kasarian.