5,071 total views
Ito ang naging mensahe ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao kaugnay sa pagpanaw ng punong pastol ng Simbahang Katolika, Pope Francis.
Ayon kay Bishop Mangalinao, ang pamumuno ni Papa Francisco sa mahigit 1.4 bilyong katoliko sa buong mundo ay naging daluyan ng pag-ibig, habag, awa, at kagalakan sa bawat mananampalataya.
“He is our Pope; loved by us. He is so full of love, mercy, compassion, and joy. We thank God for giving him to us, believers, as our inspiration to do our best as witnesses of Christ’s presence; as our passionate father in faith, showing us the way to love our common home; as our loving teacher who mentors in his words and actions,” pahayag ni Bishop Mangalinao sa panayam ng Radyo Veritas.
Bagamat may lungkot sa kanyang pagpanaw, binigyang-diin ng obispo na ito’y isa ring kagalakan, sapagkat ang Santo Papa ay nararapat sa buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos.
“He left us holy memories to last for a lifetime. We joyfully lift his soul to the heavens for that is where a person like him surely belongs. He is heavens gain. And we rest assured that his words will guide us, life will show us, witnessing will move us, and love will enkindle the fire of God’s love in each and every one of us,” saad ng obispo.
Pumanaw si Pope Francis sa edad na 88 taong gulang nitong Lunes ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, April 21, 2025, ganap na alas-7:35 ng umaga, oras sa Roma, sa Casa Santa Marta sa Vatican City.
Isinilang si Jorge Mario Bergoglio noong December 17, 1936 sa Buenos Aires, Argentina at inordinahan bilang paring Heswita noong December 13, 1969.
Hinirang siyang arsobispo ng Buenos Aires noong February 28, 1998 at ginawang kardinal ni Saint John Paul II noong February 21, 2001.
Noong March 13, 2013, si Cardinal Bergoglio ay nahalal bilang ika-266 na Santo Papa kasunod ng pagbibitiw ni Pope Benedict XVI, at pinili ang pangalang Francis bilang paggunita kay San Francisco ng Assisi, ang patron ng mga dukha.
Matatandaang isinugod si Pope Francis sa Gemelli Hospital sa Roma noong February 14, 2025 dahil sa bronchitis na kalauna’y naging double pneumonia, at nakalabas din noong March 23, 2025.
Kabilang sa mga iniwang pamana ng Santo Papa ay ang kanyang ikalawang ensiklikal na Laudato Si’, na naglalaman ng panawagan para sa pangangalaga sa kalikasan at agarang pagkilos laban sa climate change.