255 total views
Kapanalig, marami sa atin, hindi tunay na nauunawaan ang mga indigenous peoples o IP. Iba sila sa ating paningin. May mga kababayan din tayong mababa ang tingin sa mga IPs. Kailangan ang ganitong mindset o perspektibo ay tanggalin sa atin lipunan. Ang IPs ay ating mga kapatid. Tayo at ang mga IPs ay magkakaugnay.
Dito sa ating bansa, minsan pinagtatawanan pa ng ilan ang mga itsura ng IPs. Inaalipusta sila. Ang kanilang boses ay lagi din binubusalan pagdating sa mga isyung nakakaapekto sa kanilang mga pamilya. Isang halimbawa rito ay ang ang pagtatag ng Apayao dams, na ayon sa mga IPs na naninirahan doon, ay isang imprastrakturang magbubura ng kanilang mga tahanan, at magtatanggal ng kanilang kalayaang mabuhay bilang mga Isnag. Ang mga Isnag ay mga katutubong naninirahan sa Kabugao, Apayao.
Marami ring mga pagkakataon kung kailan ang mga IPs, sa halip na tulungan, ay nare-red tag pa. Sa kanilang pagdedepensa ng kanilang lupa, kultura, at karapatan, sa halip na sila ay tulungan, sila ay binabansagan pang mga NPA o terorista.
Kapanalig, hanggang kailan pa natin patuloy na ima-marginalize at ihihiwalay ang mga katutubo sa atin? Hanggang kailan magiging mababaw ang ating pananaw ukol sa pagkakilanlan at kapakanan ng mga kapating nating katutubo?
Katulad natin kapanalig, IPs matter. Pero hindi natin makita ito sa ating lipunan. Hanggang ngayon, kapanalig, wala pa rin tayong maayos at maliwanag na datos ukol sa kanilang bilang. Tinatayang nasa 10% hanggang 20% ng ating populasyon ang mga IPs, pero hanggang ngayon wala pa ring opisyal na statistics sa kanilang. Kung meron man, hindi nakikita dito ang iba ibang subgroups ng mga IPs, na malaki ang kaibahan sa isa’t isa. Kadalasan, ang mga nakikilala namang natin ay ang mga Badjao, Ita, at Igorot. Paano naman ang iba?
Si Pope Francis ay isang huwaran pagdating sa pagkilala sa mga IPs. Sa isang video noong July 2016, inihayag niya na “I want to be a spokesman for the deepest longings of the indigenous peoples.” At ngayong 2022, sa kanyang pagpunta sa mga IPs sa Canada, inamin niya at humingi siya ng kapatawaran sa pagkakamali ng ilang miyembro ng ating Simbahan. May mga insidente kapanalig, na ang mga batang IPs doon ay dinadala sa mga boarding schools at hinihiwalay sa kanilang mga kaanak upang sila ay maintegrate sa mainstream society. Sabi nga ng Mahal na Papa: “it is chilling to think of determined efforts to instill a sense of inferiority, to rob people of their cultural identity, to sever their roots, and to consider all the personal and social effects that this continues to entail: unresolved traumas that have become intergenerational traumas.”
Sumainyo ang Katotohanan.