633 total views
Nagpaabot ng pananalangin si Surigao Bishop Antonieto Cabajog para sa mga lugar na kasalukuyang nakakaranas ng matinding epekto ng bagyong Paeng.
Dalangin ni Bishop Cabajog na nawa’y sa kinakaharap na pagsubok ay ipagkaloob ng Panginoon ang kaligtasan ng lahat at ang pagtutulungan para sa mga biktima ng nagaganap na sakuna.
“Father and Creator of all, almost a year after super-typhoon Odette struck, we come face to face again with another strong one – Paeng… I ask that You send Your angels, people and timely practical help to those affected.” panalangin ni Bishop Cabajog mula sa panayam ng Radio Veritas.
Hinihiling din ng Obispo na bigyan ng katatagan ng puso’t kalooban ang mga lubhang apektado ng bagyong Paeng at nawa’y makamtan ang pag-asa upang muling makabangon mula sa pinsala ng sakuna.
Batid ni Bishop Cabajog na nananatili pa rin sa mga isipan ng mga tao ang pangamba mula sa pinsalang iniwan ng Super Typhoon Odette na nanalasa sa bansa noong Disyembre 2021.
“At this difficult time, please strengthen the heart and minds of those traumatized by Odette and other disasters. Make them feel the love and comfort You bring to Your children.” saad ni Bishop Cabajog.
Magugunitang higit na nag-iwan nang malawak na pinsala ang Bagyong Odette sa Surigao City, Northern Mindanao at Siargao Island, gayundin sa Maasin City, Southern Leyte at Cebu.
Batay sa mga ulat, mayroong 13 katao ang naitalang nasawi dulot ng naganap na landslide at malawakang pagbaha sa bahagi ng Maguindanao at iba pang bahagi ng Cotabato.
Patuloy naman ang isinasagawang rapid assessment and response ng simbahan at mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang sitwasyon at matulungan ang mga higit na apektado ng pananalasa ng Bagyong Paeng.
Sa huling ulat ng PAGASA, patuloy ang paglakas ng Bagyong Paeng habang kumikilos sa direksyong kanluran hilagang-kanluran sa silangang bahagi ng Catarman, Northern Samar.