210 total views
Nananawagan ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa mga botante na matalinong pag-aralan ang kakayahan ng bawat kandidato sa posisyong ninanais gampanan ng mga ito.
Paliwanag ni PPCRV Chairperson Henrietta De Villa, nararapat na maging angkop ang taglay na kakayahan at karanasan ng mga kandidato sa posisyong kanilang ninanais sa pamahalaan upang tunay itong magampanan at hindi masayang ang panahon sa kanilang panunungkulan.
“Kasi hindi naman natin puwedeng iboto or piliin ang isang tao na walang kaalaman sa paggagawa ng batas o pagsusuri ng batas kung anong batas ang kailangang isulat kung wala siyang kakayahan dun, hindi siya pwedeng maging Kongresista o Senador, hindi ba? Kailangan ipapantay natin ‘yung kanyang kaalaman, ‘yung kanyang talino at ‘yung kanyang, ika nga, mga experiences du’n sa public service, public service para du’n sa pwestong hinahangad niya, kasi sayang naman po kung aaksayahin lang niya ang tatlong taon o anim na taon sa pag-aaral doon sa kung saan siya nahalalal. Sayang ang panahon niya, sayang ang panahon natin. Kawawa ang bayan at sayang ang ibinabayad sa kanya, kaya isipin natin itong maigi ‘yung kakayahan ng kandidato.” panawagan ni De Villa
Iginiit ni De Villa ba mahalagang taglay na ng mga mamumuno sa bansa ang kakayahan at kaalaman sa pamamahala at pagsasagawa ng mga naangkop na batas para sa bayan, sapagkat masasayang lamang ang panahon kung dito pa lamang sisimulang pag-aralan ng mga mambabatas ang mai-aatas na tungkulin.
Kaugnay nga nito batay sa Commission on Election Resolution No. 10002, mayroong 18,083 posisyon ang bukas para sa panunungkulan at pamumuno ng mga bagong lider na maihahalal ngayong darating na May 9 – National at Local Elections, kabilang na ang posisyon sa pagkapangulo, pangalawang pangulo, 12 senador, 59 na partylist representatives at higit 18-libong posisyon sa lokal na pamahalaan.
Tagubilin ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mga botante na ang mga kandidatong tunay na may kakayahan ay kayang gampanan ang tungkulin sa pamumuno, maayos ang kalusugang pampisikal, may kakayahang pangkaisipan at matatag na damdaming kinakailangan upang magampanan ang mga tungkulin naka-atang kalakip ang katapatang maglingkod sa pamayanan.