1,408 total views
Paigtingin ang pagkakaisa at ipaglaban ang karapatan bilang manggagawa.
Ito ang hamon ni Father Noel Gatchalian – Chairman ng Church People Workers Solidarity National Capital Region Chapter sa mga manggagawa sa paggunita ng Labor Day sa May 01.
“Walang kabuluhan kung marami tayo kung hindi naman tayo nagkakaisa, kinakailangan na matibay na matibay ang ating pagkakaisa,” bahagi ng panayam ng Radio Veritas kay Fr.Gatchalian.
Apela ito ng pari sa patuloy na paggamit ng pamahalaan sa Anti-Terrorism Law na isinasangkot sa red-tagging ang mga labor leaders at pastol ng simbahan na ipinaglalaban ang kapakanan ng mga manggagawa.
Nanindigan si Fr.Gatchalian na sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mga manggagawa ay makakamit ang ipinananawagang pagtataas ng suweldo at pantay na benepisyo sa sektor ng paggawa.
“Ang ating mga taong simbahan sana ay magkaroon nga ng konsensya na bukod sa pagdarasal ay tulungan natin, suportahan natin ang mga underemployed, yung mga kasama natin na nagtatrabaho, pero napakaliit ng sahod yun lang po,” bahagi pa ng panayam at panghihimok ng Pari sa mga taong simbahan.
Sa pag-aaral ng Ibon Foundation, nasa 1,100-piso ang family living wage na kinakailangang kitain ng isang manggagawa na sinusuportahan ang pamilyang may limang miyembro upang makasabay sa patuloy na pagtaas ng mga gastusin.