636 total views
Itinuturing ng Federation of Free Workers (FFW) na biyaya ang pag-apruba ng National Capital Region (NCR) Tripartite Wages and Regulatory and Productivity Board sa 1-libong pisong umento kada buwan sa sahod ng mga kasambahay sa Metro Manila.
Ayon kay Sonny Matula – Pangulo ng FFW, higit nitong matutulungan ang mga kasambahay at kanilang pamilya na makasabay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Kaugnay, nanawagan ang FFW sa mga employers sa NCR na iparehistro ang mga kasambahay sa kanilang mga baranggay alinsunod sa mga nakapaloob na kautusan sa Republic Act 10361 o kasambahay law.
Ito ay upang mapaigting ng pamahalaan ang pagbabantay at pagtitiyak na natatanggap ng mga kasambahay ang tamang halaga ng suweldo mula sa kanilang mga employers.
“Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG) mayroon lamang 3,359 out of the more than 42,000 villages nationwide had registered their kasambahay, an indication of non-compliance, Nabatid ng DILG -National Barangay Operations Office (NBOO) na 32,902 kasambahay angj nakarehistro sa buong bansa kung saan 28,149 na barangay ang nagtatag ng kanilang Kasambahay Desk at 28,074 na barangay na may itinalagang Kasambahay Desk Officer, noong Hunyo 7, 2022,” ayon sa ipinadalang mensahe ni Matula sa Radio Veritas.
Dismayado naman si Atty.Luke Espiritu – Pangulo ng Bukluran ng mga Manggagawang Pilipino (BMP) sa umento.
Ayon kay Espiritu, kulang ang wage hike kumpara sa paggugol ng mga kasambahay ng lahat ng kanilang oras sa kanilang mga employers at halos hindi na umuuwi sa kanilang sariling pamilya.
“Ang mga kasambahay ay stay-in, on-call, kung saan ang 24 oras araw araw ay di nila oras kundi oras ng amo. They are modern slaves. Walang taas sweldo ang tatapat sa kanilang ginagampanan. Kulang pa rin yan,” ayon sa ipinadalang mensahe sa Radio Veritas ni Espiritu.
Mula sa 5-libong pisong minimum na suweldo ng mga kasambahay ay magiging 6-libo ito 15-araw matapos isapubliko ang kautusan.
Una ng naging panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pamahalaan ang pagpapatupad ng mga polisiya at programang tutulungan ang mga manggagawa mula sa ibat-ibang sektor na lubha ng naapektuhan ng krisis na dulot ng COVID-19 pandemic