11,873 total views
Patuloy na binabantayan ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) ang kalagayan ng mga parokya sa lalawigan ng Batangas kasunod ng mga pag-uulang nagdulot ng pagbaha sa ilang bayan at pinangangambahang maging banta ng landslide sa mga lugar na mataas ang posibilidad sa pagguho ng lupa o landslide.
Ayon kay LASAC Program Officer Paulo Ferrer, naitala ang pagbaha sa mga bayan ng Balayan, Tuy, Lian, at Laurel, na nakaapekto sa pangunahing mga lansangan, ngunit agad namang tumugon ang mga lokal na pamahalaan upang malinis ang ilang bahagi ng mga apektadong kalsada.
“Around 4 towns ang may reported na flooding, which affected main thoroughfare network, pero agad namang na-clear ng mga local government unit ang ilan based on coordination,” pahayag ni Ferrer sa panayam ng Radyo Veritas.
Samantala, nasa evacuation center naman ang nasa 40 indibidwal mula sa katutubong Bajao sa Balayan bilang pag-iingat sa banta ng pagguho ng lupa sa kanilang tirahan.
Nabanggit din ni Ferrer na may sapat pang laman ang food bank ng LASAC sakaling kailanganin ang pagtugon sa mga nasa evacuation centers.
Aniya, sa kasalukuyan, ay natutugunan pa ng mga lokal na pamahalaan ang pangangailangan ng evacuees mula sa dalawang bayan sa Batangas.
“May laman pa naman ang ating food bank, and as per coordination ay covered pa naman ng mga [local government units] since dalawang towns pa lamang ang may evacuation centers,” ayon kay Ferrer.
Ayon sa Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nasa 83 pamilya o 314 katao na ang kasalukuyang nasa mga evacuation center, habang 302 pamilya o 1,048 katao naman ang pansamantalang nanuluyan sa kanilang mga kamag-anak.