919 total views
Ang pagtulong sa mga mahihirap ay pamamaraan na mapalalim ang pananampalataya at higit na makilala ang Panginoon.
Ito ang binigyang diin ng Social Action Center (SAC) ng Diyosesis ng Antipolo kaugnay sa paggunita ng World Day of the Poor sa linggo, ika-13 ng Nobyembre.
Inaanyayahan ni Mona Valencia – Program Coordinator ng SAC Antipolo ang lahat na magkaakibat na gunitain ang temang “Halina’t magsama-sama, tagapaghatid ni Hesus ng Ayuda, tuwa at pag-asa.” para sa World Day of the Poor at kapaskuhan.
“Magpapatuloy po ang programa ng Social Action Center para sa mga kapatid nating higit na nangangailangan lalung-lalu na yung mga nasa laylayan, magpapatuloy po tayo hangga’t nandito ang S-A-C at habang maraming tumutulong na tao, magpapatuloy po ang mga programa ng S-A-C para sa mga mahihirap.” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Valencia.
Sinabi ni Valencia na sa tulong ng HAPAG-ASA Integrated Nutrition Program at Caritas Manila-Caritas Damayan program ay naisakatuparan ang pagpapakain sa mga malnourished na bata sa lalawigan ng Rizal.
Ibinahagi ni Valencia na nagpapatuloy ang ‘Project Sunshine’ ng SAC Antipolo na nagkakabit ng poste ng mga solar lights sa malalayong kanayunan ng Rizal na hindi naabot ng linya ng kuryente.
“Nagiging malaki din yung epekto nito kahit weekly lang yung ibang parokya na nagpapatupad nito. Nagiging daan ito para mapalapit din ang mga tao sa simbahan at lumawak pa, lumalim pa yung kanilang pananampalataya and then yung project sunshine, ito yung patuloy naming ginagawa, napalakaking tulong, makikita mo sa kanilang mukha yung tuwa, yung tulong sa kanilang lugar na pinakikinabangan ng buong community.” pagbabahagi ni Valencia sa Radio Veritas.
Batay sa 2021 data ng Philippine Statistics Authority, umaabot sa 1.7-milyong mamamayan ng CALABARZON ang kabilang sa pinaka-mahirap na sektor kung saan 4.3% nito ay mula sa lalawigan ng Rizal.