1,221 total views
Inaanyayahan ng Diyosesis ng Kalookan ang mananampalataya na makibahagi sa nakatakdang Banal na Eukaristiya at pagsasara ng Porta Sancta sa mga Jubilee Churches ng Diyosesis sa ika-31 ng Disyembre, 2022.
Noong Abril ng taong 2022 ay pinalawig ng Vatican sa pamamagitan ng Apostolic Penitentiary ang Taon ng Jubileo para sa ika-500 Taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas dahil dito itinakda ang pagsasara ng mga Jubilee Door o Porta Sancta sa mga itinakdang Jubilee Churches sa sa huling araw ng taon o ika-31 ng Disyembre, upang mas maraming mga Katoliko ang makatanggap ng indulhensya plenarya.
“Noong Abril 2022, pinalawig ng Vatican, sa pamamagitan ng Apostolic Penitentiary, ang Taon ng Jubileo para sa ika-500 Taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas. Itinakda ang pagsasara ng mga Porta Sancta o Jubilee Door sa huling araw ng taon, ika-31 ng Disyembre, upang mas maraming mga Katoliko ang makatanggap ng indulhensya plenarya. Sa darating na ika-31 ng Disyembre, inaanyayahan ang lahat na makiisa sa BANAL NA MISA AT PAGSASARA NG PORTA SANCTA sa mga JUBILEE CHURCHES ng Diocese of Kalookan,” paanyaya ng Diyosesis ng Kalookan.
Nakatakda ang pagsasara ng jubilee door ng San Bartolome Parish, Malabon City ganap na alas-singko y medya ng hapon sa pangunguna ng kura paroko ng Simbahan na si Rev. Fr. Elpidio Erlano, Jr.; ganap na alas-syete y medya naman isasara ang Porta Sancta ng Diocesan Shrine and Parish of San Jose de Navotas sa pangunguna ng Rector at Parish Priest ng Simbahan na si Rev. Fr. Rufino Yabut; habang pangungunahan naman ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang pagsasara ng Jubilee dor ng San Roque Cathedral Parish ganap na alas-otso y medya ng gabi.
Ayon sa pamunuan ng Diyosesis, maaring makatanggap ng Plenary Indulgence sa nakatakdang banal na eukaristiya ang sinumang dadalo sa banal na pagdiriwang at makikiisa sa live streaming ng banal na misa na tutupad sa mga karaniwang kondisyon ng pangungumpusal, pangungumunyon at pananalangin para sa mga intensyon ng Santo Papa.