555 total views
Kapanalig, kung marginalized o maralita ang pag-uusapan, ang mga katutubo ang siya na yatang nasa laylayan ng ating lipunan.
Ang ugat o pinang-galingan ng ating mga katutubo ay malawak, marami, at iba-iba. Ayon sa United Nations Development Programme (UNDP), tinatayang mayroon tayong mga 14- 17 million Indigenous Peoples (IPs) na kabilang ng mga 110 ethno-linguistic groups. Tinatayang 33% sa kanila ay matatagpuan sa Northern Luzon, partikular na sa Cordillera Administrative Region. 61% naman ang sinasabing nasa Mindanao (61%), habang may ilan ay nasa Visayas.
Gaano ba kataas ang ating kamalayan ukol sa sitwasyon ng ating mga kapatid na katutubo, at paano ba natin sila natulungan at matutulungan pa?
Nitong Setyembre lamang naglabas ng pahayag ang TEBTEBBA–Indigenous Peoples’ International Center for Policy Research and Education. Ayon sa pahayag, kulang pa rin ang datos ukol sa dami at distribusyon ng mga IPs sa bansa dahil wala pa ang opisyal na datos mula sa pamahalaan. Kapanalig, ang maayos na pagbilang ng mga IPs ay importanteng salik sa mga programa, batayang serbisyo, at mga polisiya ng pamahalaan. Kung mali ang bilang o walang opisyal na bilang, paano magiging maayos ang pagpaplano at pagpapatakbo ng pamahalaan ng mga programa at batayang serbisyo para sa mga IPs?
Ang medium at large-scale corporate mining at ang mga “conflicting” o nagba-banggaang mga batas ay isa rin sa mga problema ng mga IPs. Ang mga ito ay nakaka-sikil sa kalayaan ng mga katutubo na mamahala sa kanilang sariling mga pamayanan at makapagsaka sa kanilang mga kinagisnang mga lupain. May mga pagkakataon na napipilitang tumigil sa pag-aaral ang mga bata dahil sa presensya ng mga de-armas na grupo. Ang karahasan, kapanalig, ay isa rin sa mga malalaking suliranin ng mga IPs. Ayon Tebtebba, may 76 na kaso ng pagpatay ng mga indigenous human rights defenders mula 2010 hanggang 2016.
Ang basic service delivery ay isa rin sa mga mahahalagang isyu ng mga katutubo, bunsod na rin ng kanilang geographical location. Dahil malimit na sa mga remote areas nakatira ang mga IPs, hirap silang maka-access ng serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at maging pang sanitasyon. Marami sa kanila ang hindi pa nakapag-konsulta sa doktor mula pagsilang hanggang mamatay.
Ang panlipunang turo ng Simbahan ay nagpapa-alala sa atin tuwina ng kahalagahan ng dignidad ng tao. Sa kaso ng marami nating mga katutubo, ang dignidad ay tila isang konsepto na lamang na hindi na nila mahawakan o maramdaman dahil lagi na lamang ito pinagkakait sa kanila. Ang layo ng sitwasyon na ito, kapanalig, sa nilalayon ng Panginoon sa atin. Ayon nga sa Gaudium et Spes: God, who has a parent’s care for all of us, desired that all men and women should form one family and deal with each other as brothers and sisters.
Ngayong bago ang administrasyon, sana mabigyan naman ang mga katutubo ng kaukulang atensyon at pagkakataon upang marinig naman natin ang kanilang boses, na matagal ng tinimpi ng paulit ulit na pagsikil sa kanilang kalayaan.