52 total views
Kapanalig, isa sa mga pinakamalaking bangungot para sa mga pamilya ay ang pagiging ulila ng mga anak. Kapag nawalan ng magulang o primary caregiver ang mga menor de edad, saan pupunta ang mga ulila?
Alam mo ba kapanalig, tinatayang umaabot ng dalawang milyon ang mga ulila sa ating bansa. At sa mga ulilang ito, ang karaniwang na-a-ampon lamang kada taon ay mga 139 lamang mula 2014 hanggang 2018. May mga ibang pagsusuri rin na nagsasabi na umaabot sa limang milyon hanggang pitong milyon ang mga ulila sa bansa, at mga 237 lamang ang naa-ampon kada taon.
Sa Mindanao, kapanalig, kung saan maraming mga armed conflicts, maraming mga bata ang nagiging ulila. Ayon sa isang pag-aaral ng Asia Foundation, walang opisyal na datos ukol sa mga bilang mga mga naulila ng mga armed conflicts sa Mindanao. Ang kawalan ng impormasyon ukol dito ay nagpapakita na kulang talaga ang mga serbisyong ibinibigay natin sa kanila. Bulnerable ang mga ulila kapanalig, kung kulang ang ating pagkalinga sa kanila, saan sila pupunta?
Nitong nakaraang araw lamang, may isang orphanage sa Quezon City na pina-iimbestigahan dahil sa overcrowding, kawalan ng house parents, baradong fire exits, at pag-gamit ng education modules na walang approval mula sa DepEd. Ilang bahay ampunan pa kaya ang ganito?
Kapanalig, kailangan natin mas tutukan pa ang sitwasyon ng mga orphans o ulila sa ating bansa. Sa mga bansa gaya ng US, aktibo ang child protection services. Namo-monitor nila ang sitwasyon ng mga bata sa mga komunidad at mabilis din makapag-report ang mga mamamayan kung may naaobserbahan silang napapabayaang bata o na-abusong bata sa pamayanan. Sa ating bayan, walang hotline para dito, o kung meron man, hindi siya common knowledge o kilala. Bantay Bata 163 ang kilala noon, pero ito ay programa ng isang foundation, hindi ng gobyerno.
Makapaglatag sana tayo ng mas komprehensibong plano para sa ulila sa ating bansa, lalo na silang wala ng mga kamag-anak na mag-aalaga pa at magmamahal sa kanila. Hindi dapat lumaki ang sinuman na walang nagkakalinga at nag-paplano para sa kanilang kinabukasan. Inuudyukan tayo ni Pope Francis na mahalin ang mga maralita at mga api. Dinggin sana natin ito. Ayon nga sa kanyang homiliya noong July 2014: Take care of the poor and the outcast! The Bible is full of these exhortations. The Lord says: it is not important to me that you do this or that, it is important to me that the orphan is cared for, that the widow is cared for, that the outcast person is heard, that creation is protected. This is the Kingdom of God!”
Sumainyo ang Katotohanan.