300 total views
Magulo at puno ng palaisipan ang sinasabing pagbabalik ng yaman ng pamilya Marcos sa pamahalaan.
Ito ang reaksyon ni Sr. Mary John Mananzan, OSB–dating co-chairperson ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines at former president ng St. Scholastica’s College kaugnay sa inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagbabalik ng yaman ng pamilya Marcos sa pamahalaan.
Iginiit ng Madre na isang palaisipan kung ang pagbabalik ng mga yaman sa pamahalaan ay isa na ring pag-amin ng pamilya Marcos na “ill-gotten wealth” kanilang yaman na nagmula sa kaban ng bayan.
“Well I would say kung ibabalik nila, ang tanong ko, is that an admission that it is an ill-gotten wealth? Kung ibabalik ang ill-gotten wealth it is very funny that you do not return all. I cannot also believe that they will say that “we are referring to the ill-gotten wealth” that means to say that it’s really an ill-gotten wealth. Kaya it’s really kind of mind bugling, papalabasin siguro na they are just donating…” pahayag ni Sr. Mananzan sa panayam sa Radio Veritas.
Bukod dito, inihayag ng madre na magdudulot rin ng kalituhan at palaisipan sa taumbayan kung palalabasin ng pamahalaan at ng pamilya Marcos na donasyon ang ibibigay nitong yaman kasama ng mga ginto.
Binigyang diin rin ni Sr. Mananzan na nararapat na bantayan ng taumbayan kung ano ang maaring maging kapalit o implikasyon nito sa bansa.
Paliwanag ng Madre, isang palaisipan rin sa taumbayan ang maaring dahilan ng naturang hakbang lalo’t kasalukuyan na ring nasa proseso ang inihaing election protest ni dating Senator Bongbong Marcos sa Korte Suprema kaugnay sa naging resulta ng nakaraang halalan kung saan siya tumakbo sa pagka-bise presidente.
“Bakit all of a sudden, so parang ang speculation ng tao ano bang kapalit niyan and that is something we have to watch kasi baka is that connected with the complaint ni Bongbong sa Supreme Court. Nagtataka lang ako all of a sudden papaanong nangyari ito…” Dagdag pa ni Sr. Mananzan, OSB.
Batay sa pagtataya ng Presidential Commission on Good Governance (PCGG) nasa 5 hanggang 10- bilyong dolyar ang ill-gotten wealth ng pamilya Marcos, ngunit sa halagang ito tanging 3.7 bilyong dolyar pa lamang ang na-recover ng kumisyon.
Sa bahagi ng Simbahan ang pananaig ng katotohanan at katarungan sa mga nagawang kasalanan at pang-aabuso ng pamilya Marcos sa ilalim ng Martial Law ang isa sa higit na mahalaga upang mapawi na ang galit at pagkakahati ng bayan sa tuwing nabubuksan ang usapin ng rehimeng Marcos.
Batay naman sa pag-aaral ng Amnesty International, umaabot sa 70 libong tao ang ikinulong, 34 na libo ang biktima ng torture habang 3,240 ang napatay mula taong 1972 hanggang 1981 sa ilalim ng martial rule ni dating pangulong Marcos.