354 total views
Ikinagalak ng Alyansa Tigil Mina ang desisyon ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo laban sa pagbawi sa ban on open-pit mining sa lalawigan.
Ayon sa pahayag, binati ng ATM ang mamamayan ng South Cotabato, sa pangunguna ng mga magsasaka at ng Diyosesis ng Marbel sa kanilang paninindigan para sa tagumpay ng pakikipaglaban sa karapatan ng inang kalikasan.
“This is a victory of the people of South Cotabato and is the correct move of Gov. Tamayo in protecting the right of his constituents to a safe ecology and promoting the comfort and welfare of a majority of the affected communities,” ayon sa ATM.
Nito lamang Hunyo 3, 2022 ay isinawalang-bisa ni Gov. Tamayo ang ordinansa hinggil sa pag-amyenda sa Provincial Environment Code ng South Cotabato at ang pagbawi sa pagbabawal sa pagsasagawa ng open-pit mining sa lalawigan.
Ang desisyon ng gobernador ang nagbigay muli ng pag-asa sa mga mamamayan lalo na sa mga katutubo ng South Cotabato tungo sa kaligtasan ng mga likas na yaman at mga katutubong lupain.
Nangako naman ang ATM na patuloy nitong babantayan ang kilos ng sangguniang panlalawigan hinggil sa pagpapatupad ng mga batas na mangangalaga sa inang kalikasan laban sa pagkasira.
“We will take this matter seriously and join the vigilance of local communities in South Cotabato to continue lobbying and putting pressure on the Sanggunian to not override the veto,” saad ng ATM.
Samantala, kaisa rin ang grupo sa paggunita ngayong araw (Hunyo 5) sa World Environment Day, gayundin sa pagdiriwang ng simbahan sa Linggo ng Pentekostes.
Kaugnay nito, nagpapasalamat ang grupo kay Marbel Bishop Cerilo “Allan” Casicas sa pagiging huwaran upang ipagtanggol ang karapatan ng mga apektadong pamayanan at kalikasan laban sa mapanirang paraan ng pag-unlad.
Magugunitang umapela ng pananalangin at pag-aayuno si Bishop Casicas upang mabigyan ng kalinawan ng pag-iisip ang mga lokal na pinuno ng South Cotabato sa panganib ng pagmimina sa lalawigan.