345 total views
Ang pagpapatuloy sa misyon ni Kristo sa pagpapahayag ng pag-ibig at habag ng Diyos ang hamong iniwan ng 4th Philippine Conference on New Evangelization sa bawat mananampalataya.
Ito ang paalala ni Rev. Fr. Jason Laguerta – Director of the Office for the Promotion of the New Evangelization para sa pagtatapos ng PCNE4 na may temang “Of One Heart and Soul”.
“Ang hamon talaga sa atin ay ipagpatuloy yung misyon at ito yung hamon ni Cardinal Chito na ipagpatuloy yung misyon natin at hindi natin misyon yun, misyon ni Kristo yun na ipahayag sa lahat ang pag-ibig ng Diyos at ang habag ng Ama…”pahayag ni Fr. Laguerta sa Radio Veritas
Paliwanag ng Pari, hindi dapat magtapos ang pagkabuhay ng masiglang pananampalataya ng mga delegado sa pagtatapos ng tatlong araw na pagtitipon sa halip ay palaganapin pa ito sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mensahe ng PCNE4 sa pamilya, sa buong parokya, sa mga paraalan at maging sa buong pamayanan.
Umaasa rin si Fr. Laguerta na patuloy na mananalangin at magsusumikap ang bawat isa na magkasundo at magtulungan para sa kapakanan ng mas nakararami.
Lubos naman ang pasasalamat ng Pari sa naging partisipasyon ng lahat ng mga delegado at muling inanyayahan ang lahat na makiisa sa 5th Philippine Conference on New Evangelization na nakatakda na sa July 20 to 22, 2018 sa University of Sto. Tomas.
“Nagtatapos po ang ating PCNE4 at ang mensahe ng ating minamahal na Cardinal Chito Tagle, ulitin po natin at ibahagi “Let us pray and work for communion of one heart and soul” at sana yoon po ang mangyari sa atin pong mga parokya , pamilya, mga eskwelahan at mga pamayanan. Let us pray and work for unity, for harmony, for communion. Maraming salamat sa inyong lahat, See you July 20 to 22, 2018 PCNE5 sa UST…” Dagdag pa ni Rev. Fr. Jason Laguerta.
Sa katatapos na PCNE4, inaasahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na hindi maging parochial o narrow ang lahat ng mga parokya sa bansa.
Read: http://www.veritas846.ph/cardinal-tagle-umaasang-hindi-maging-parochial-ang-lahat-ng-parokya-sa-bansa/
Sa tala ng pamunuan ng PCNE4, umabot sa 6,150 ang bilang ng mga delegado mula sa iba’t ibang diyosesis sa buong bansa at maging sa mga karatig bansa partikular na sa Asya at Estados Unidos.