636 total views
Mariing kinundena ng Youth Advocates for Climate Action Philippines (YACAP) ang sinapit ng limang Lumad advocates na pinaslang sa sinasabing rescue operations ng mga katutubo noong February 24 sa Talaingod, Davao del Norte.
Kabilang sa mga nasawi si Chad Booc, isang volunteer teacher na inilaan ang kanyang buhay sa pagtataguyod at pagtatanggol sa mga katutubong Lumad sa Mindanao.
Ayon sa pahayag ng YACAP, ang nangyari sa tinaguriang “New Bataan 5” ay nagpapaalala sa bawat mamamayan ng patuloy na pagsasawalang-bahala ng Administrasyong Duterte sa kapakanan ng mga tagapagtanggol ng kalikasan.
Giit ng grupo na patunay lamang ito na hindi ligtas ang ating bansa para sa mga katulad ni Booc na buong tapang na ipinagtatanggol ang kapakanan at karapatan ng mga inosenteng katutubo laban sa mga mapagsamantala.
“We openly oppose all attacks and violations the Duterte administration has perpetrated on environment defenders, including baseless red-tagging that has resulted in the loss of life,” pahayag ng YACAP.
Samantala, kinondena rin ng University of the Philippines Green League (UPGL) ang sinapit ni Booc at ng apat pang environmental defenders sa kamay ng mga militar.
Hinimok naman ng UPGL ang mamamayang Filipino na patuloy lamang na maging matatag at huwag matakot na ipaglaban ang katotohanan upang lubusang makamtan ang tunay na kalayaan ng bansa.
“Sa pagpapatuloy ng karahasan ng militar at pulis ng administrasyong ito sa mga inosenteng mamamayan, huwag tayong matitinag at patuloy nating ipaglaban ang katotohanan dahil yoon lamang ang magpapalaya sa ating bayan,” ayon sa UPGL.
Si Booc ay matagal nang aktibo sa pangangampanya laban sa militarisasyon sa katutubong lupain ng mga Lumad at isa sa mga ‘signatories’ sa ika-24 na petisyon laban sa Anti-Terror Law ng kasalukuyang administrasyon.