256 total views
Pagtulong at pagsisilbi sa mga nangangailangan ang tunay na diwa ng Kuwaresma.
Ito ang paalala ni Nueva Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona, national director ng CBCP NASSA / Caritas Philippines kaugnay sa tunay na diwa ng Kuwaresma.
Ayon kay Archbishop Tirona, ang kuwaresma ay panahon ng pag-aayuno at pagtulong sa mga nangangailangan lalo na ang mga dukha at mga biktima ng iba’t ibang trahedya.
“ang Kwaresma ay panahon ng pag-iisip ng kapakanan ng ibang tao at hindi lang ang ating sarili.Kaya sikapin nating mag-ambag tumulong sa ikabubuti ng ating mga kababayan lalo na ng mga dukha at bilang paghahanda na rin ito sa anumang sakuna …”pahayag Archbishop Tirona sa panayam sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Arsobispo na ang tunay na pagsasakripisyo at ang pag-aalay ng sarili ay pakikiisa sa ginawang pagsasakripisyo ng Diyos sa kanyang bugtong na anak na si Hesus upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan.
Unang nanawagan ng tulong ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga mananampalataya na makiisa sa mga programa ng Simbahan ngayong Kwaresma tulad ng Fast to Feed ng Hapag-asa Program ng Archdiocese of Manila na kumakalinga at tumutugon sa pangangailangan ng 20 libong malnourished at nagugutom na mga batang lansangan at sa mga parokya ng arkidiyosesis.
Sa tala, mula sa halagang 1,200 piso sa loob ng anim na buwan o sampung piso kada araw ay naibabalik na ng Fast To Feed Program ang maayos at malusog na pangangatawan ng mga batang mahihirap.
read: http://www.veritas846.ph/suportahan-ang-fast2feed-program-cardinal-tagle/
Tinukoy din ni Cardinal Tagle ang Alay Kapwa program ng Simbahan na tumutugon sa pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad.