342 total views
Programa sa paglutas ng kagutuman at kahirapan sa bansa, dapat paigtingin ng pamahalaan.
Ito ang hamon ng dating opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-National Secretariat for Social Action Justice and Peace (CBCP-NASSA/Caritas Philippines) kaugnay sa patuloy pa ring pagtaas ng bilang ng mga nakararanas ng kagutuman dahil sa kahirapan na dinagdagan pa ng krisis sa pandemya.
Ayon kay Fr. Edu Gariguez, ang kasalukuyang Social Action Director ng Apostolic Vicariate ng Calapan, Occidental Mindoro na maraming mga programang maaaring ipatupad sa mga barangay at lokal na pamahalaan upang matiyak ang kasiguruhan sa pagkain lalo na sa panahon ng climate emergency.
“Maraming mga inisyatiba at programa na makahulugan at malaki ‘yung impact lalo’t higit kung ang tatargetin mo ‘yung pagtulong talaga sa mga mahihirap at sa isyu ng pagkain na nanganganib dahil dito sa napakalaking problemang ating hinaharap hindi lamang sa pandemic, kundi sa climate change,” bahagi ng pahayag ni Fr. Gariguez sa panayam ng Radio Veritas.
Nauna rito’y ibinahagi ng pari ang pag-apruba ng lokal na pamahalaan ng Sablayan, Occidental Mindoro sa Municipal Sustainable and Ecological Food System Council Ordinance nito upang bigyang pansin ang suliranin ng kakulangan sa pagkain sa gitna ng mga nararanasang krisis.
Ayon kay Fr. Gariguez na ang pagpasa sa nasabing ordinansa ay napakahalaga at malaki ang maitutulong sa pagsisikap ng lokal na pamahalaan upang matugunan ang usapin ng kahirapan at kagutuman.
“Kaya nga itong pagkilos na ito’y munti pero ang nais nga namin ay hamunin din yung ibang mga pamahalaan na tularan din ang napakalaking hakbang na ito lalo’t higit sa pagtugon sa problema ng kahirapan,” ayon sa pari.
Ang ordinansa ay isa sa tatlong pangunahing panukalang batas na dala-dala ng Padyak Touro: Krisis sa Klima na layong magbigay ng Climate Emergency Awareness, lalo na sa mga bulnerableng sektor ng bayan.
Batay sa huling survey ng Social Weather Stations noong November 21 hanggang 25, 2020, lumabas na nasa humigit-kumulang 7.6-milyong pamilya sa bansa ang nakararanas ng pagkagutom.