1,686 total views
Binigyang diin ni Surigao Bishop Antonieto Cabajog na ang pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan ay pagmamalasakit para sa susunod na henerasyon.
Ito ang mensahe ng Obispo kaugnay sa pagdiriwang ng Laudato Si Week 2021 bilang pag-alala sa ikaanim na anibersaryo ng ensiklikal na Laudato Si ng Kanyang Kabanalang Francisco.
Sa panayam ng Radio Veritas, sinabi ni Bishop Cabajog na sa pagpapanatili sa ating kalikasang nilalang ng Diyos ay makakamit ng mga kabataan ang hinahangad na matiwasay at malinis na kinabukasan.
“Mahalaga pong alagaan natin ang buong mundo at kalikasan upang makamit ng mga kabataan ang magandang kinabukasan,” mensahe ni Bishop Cabajog.
Paliwanag ni Bishop Cabajog na ang pagsasawalang bahala sa kalikasan ay nangangahulugan ng unti-unting pang-aabuso sa lahat ng nilikha ng Diyos hanggang sa ito’y tuluyan nang mawala sa buong mundo.
Dahil dito, hinihikayat ng Obispo ang bawat isa na magbago at simulan na ang pangangalaga at pagmamalasakit sa ating kapaligiran.
Gayundin, ang patuloy na isabuhay ang magandang aral na nais ipabatid ng Laudato Si na layong pangalagaan sa Kristiyanong pamamaraan ang ating nag-iisang tahanan.
Samantala, nakikiisa rin ang Diocese ng San Pablo para sa paggunita sa Laudato Si Week 2021.
Ayon sa mensahe ni San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, “Ang pangangalaga sa kalikasan ay pananagutan ng lahat. Ang kalusugan ng mundo ay kapakinabangan ng lahat. Ang pagkasira ng mundo ay kapahamakan ng lahat”.
Tema ng isang linggong pagdiriwang ang “Celebrating Change”, kasabay ng pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas na natatanging pagkakataon upang ipagdiwang ang naging gampanin ng simbahan sa pagsasabuhay ng turo ng Laudato Si at ang wastong pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.