174 total views
Inaanyayahan ng Diocese ng Parañaque ang mananampalataya na makiisa sa isasagawang webinar na tatalakay sa gampanin ng simbahan sa pangangalaga sa mga may sakit.
Ito ay ang Webinar on Pastoral Care of the Sick na gaganapin mamayang alas-7 hanggang alas-9 ng gabi.
Ayon kay Msgr. Bobby Olaguer, chairperson ng Commission on Service to Human Promotion o Caritas Parañaque ang webinar ay mahalaga hindi lamang para sa sarili kundi maging sa mga mahal natin sa buhay.
Sinabi ng pari na isang instrumento ng Panginoon ang mga may sakit upang mas lalo pang mapalapit sa Diyos at magampanan pa ng wasto ang ating paglilingkod sa kapwa.
“Kaya sila rin sa paraang ito [ay] nagiging instrumento ng Panginoon upang tayo rin ay malapit sa Panginoon at ganundin makapaglingkod sa ating kapwa,” bahagi ng pahayag ni Msgr. Olaguer sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon pa sa pari, dahil sa pandemya ay naapektuhan hindi lamang ang pisikal kundi maging ang kaisipang pangkalusugan na nagdudulot ng kawalan ng pag-asa at depresyon sa mga tao.
“Kaya mas maganda ‘yung makaattend po tayo ng webinar na ito para alam natin at magkaroon ng direksyon ‘yung ating puso na gustong maglingkod at ang paglilingkod na ito ay nasa tamang direksyon,” ayon kay Msgr. Olaguer.
Kabilang sa mga tagapagsalita sa webinar sina Fr. Dan Vicente Cancino, Jr, MI, ang executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Healthcare (CBCP-ECH) at Fr. Eric Terrel, ang Chaplain ng Asian Hospital and Medical Center.
Matutunghayan ang webinar sa facebook page ng Roman Catholic Diocese of Parañaque at Caritas Parañaque.