422 total views
Sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa, binigyang-pugay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga manggagawang Pilipino, na aniya’y hindi lamang nag-aangat sa sarili kundi nagsisilbing “dakilang ambag” sa kasaysayan ng bansa.
Ayon sa Pangulo, sa bawat araw na ang mga manggagawa ay kumakayod para sa kanilang sarili at pamilya, naroroon ang diwang handog na nagtataguyod sa ikabubuti ng nakararami.
“Ang paggawa ay hindi lamang pag-aangat sa sarili, kung hindi dakilang ambag sa kasaysayan ng ating bansa. Sa bawat araw na ang manggagawang Pilipino ay kumakayod para sa sarili at pamilya, naroroon ang diwang handog para sa ikabubuti ng higit na nakararami,” ani Pangulong Marcos sa kanyang pahayag.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, binigyang-diin ng Pangulo na ang Araw ng Paggawa ay isang pagkakataon hindi lamang upang magbigay-pugay sa mga manggagawa, kundi upang maglatag ng mga hakbang na magsusulong sa kanilang kapakanan. Ayon sa kanya, “Nararapat lamang na ang pagdiriwang na ito ay gawin nating pagkakataon upang bumuo ng mga kongkretong hakbang upang matugunan ang mga pangangailangan ng bawat pamilya, matiyak ang kaligtasan sa lugar ng trabaho, at mapangalagaan ang karapatang makamit ang magandang kinabukasan.”
Ipinaabot din ng Pangulo ang kahalagahan ng mga patakarang ipinatutupad ng kanyang administrasyon, na ayon sa kanya, ay “dapat sumasalamin sa paninindigang ang tunay na yaman ng bansa ay hindi nasusukat sa kita, kung hindi sa dangal ng taong nagsusumikap.”
Binigyan-diin ng Pangulo na sa mga manggagawa nakasalalay ang kaunlaran ng bansa, kaya’t patuloy ang mga proyekto ng gobyerno na magsusulong sa kanilang paglago at kasaganahan. Tiniyak niya sa mga manggagawa na hindi sila pababayaan ng pamahalaan, at patuloy ang pagkilala sa kanilang tunay na halaga at sakripisyo.
“Taimtim ang aming paninindigang kayo ay hindi pababayaan, bagkus ay higit pang itataguyod—hindi bilang tungkulin lamang, kung hindi bilang pasasalamat at pagkilala sa inyong tunay na halaga at sakripisyo.”