210 total views
Hinimok ng Military Ordinariate of the Philippines ang mga nakatalagang kawani ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas at Hukbong Sandatahan Lakas ng bansa ngayong panahon ng Kuwaresma na sabayan ng pagninilay ang kanilang paglilingkod sa isa sa pinakamahalagang yugto sa buhay ng Simbahan.
Ayon kay Rev. Fr. Harley Flores –Spokesperson at Chancellor ng Military Ordinariate of the Philippines, hindi man makakasama ng mga kawani ng P-N-P at A-F-P ang kanilang mga pamilya ngayong kuwaresma ay isa itong pagkakataon upang mapagsilbihan ang bayan at kanilang mapagnilayan ang kanilang tungkuling sinumpaan lalo’t ito rin ang panahon ng pagbabalik loob sa Panginoon.
“Tama po yun. Sa ating mga kapulisan at kasundaluhan na nadeploy ngayong panahon ng Holy Week mahirap po para sa inyo na hindi makapagbakasyon pero ito po yung magandang gawain at tamang pagtupad sa ating tungkulin. Kailangan nating magtiyaga. Siguro kailangan rin na magkaroon rin tayo ng personal na pagninilay-nilay habang tayo ay naglilingkod, habang tayo ay nakadeploy sa ating mga assignments…”pahayag ni Father Flores sa panayam sa Radio Veritas.
Bukod dito, nanawagan rin ang Pari sa taumbayan ng pakikiisa at pagsunod sa mga alintuntunin para sa kaligtasan sa mga pantalan, pier at terminal kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga magsisi-uwi sa kani-kanilang lalawigan sa darating na Semana Santa.
Sinabi ni Father Flores na kakailanganin ng mga otoridad ang pakikipagtulungan ng bawat mamamayan upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng lahat.
Kaugnay nito, batay sa tala ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) tinatayang umaabot sa 623-libong international flights at higit 624-na-libong domestic flights ang naitala noong panahon ng Semana Santa sa nakalipas na taong 2016.
Una na nang binigyang diin ng Simbahang Katolika na ang tunay na pagsasakripisyo at ang pag-aalay ng sarili ay ilan sa mga aspekto ng Kwaresma na nagsisilbing paggunita sa ginawang pagsasakripisyo ng Diyos sa kanyang bugtong na anak na si Hesus upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan.