246 total views
April 13, 2020, 2:01PM
Inilaan ng Diocese of Balanga, Bataan ang partikular na prayer intention sa unang Lunes ng Muling Pagkabuhay ni Hesus para sa mga mamamahayag at iba pang Mass Media personnel na patuloy na naghahatid ng mga balita at impormasyon sa kabila ng banta ng pandemic na Coronavirus Disease 2019.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, araw-araw ay iniaalay ng diyosesis sa iba’t-ibang sektor ang pananalangin sa Simbahan upang gabayan ng Panginoon mula sa pagkalat ng nakahahawa at nakamamatay na virus.
Bukod sa kaligtasan mula sa COVID-19, ipinapanalangin rin ng diyosesis ang patuloy na katatagan at kapanatagan ng loob ng mga tagapaghatid ng balita at mga impormasyon sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa mula sa pagkalat ng sakit.
“Dito sa diocese meron kaming mga everyday prayer at ngayon ay meron kaming prayer para sa Mass Media at kayo ang aming iniisip at palagi kaming nananalangin para sa inyo na kung saan we have this 7 day prayer at na-extend nga yung lockdown (Enhanced Community Quarantine) we will continue to have 14 day prayer pa at ito ngayon sa Lunes ay para sa inyo sa Mass Media People…”pahayag ni Bishop Santos sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang inihayag ng Obispo na ang mga frontliners tulad ng mga health care workers at iba pang humaharap sa banta ng COVID-19 ay maituturing na mga buhay na bayani ng bansa na patuloy na naglilingkod sa kabila ng pagiging lantad sa nakahahawa at nakamamatay na sakit.
Nilinaw ni Bishop Santos na ang kabayanihan ng mga frontliners ng bansa mula sa COVID-19 ang patunay na hindi kinakailangan ng digmaan upang maging bayani sapagkat ang bawat isa ay maaring maging bayani sa simpleng paraan araw-araw.
Samantala, sa kabila ng mga hamong kinakaharap ng Simbahang Katolika dulot ng COVID-19 ay ginunita ng Radyo Veritas ang ika-51 anibersaryo sa simpleng pamamaraan sa patuloy paghahandog ng mga banal na gawain ng Simbahan sa mga mananampalataya sa tulong na rin ng makabagong teknolohiya.