2,543 total views
Mga Kapanalig, noong ipinatupad ang COVID-19 lockdown sa buong bansa, sinuspinde ang lahat ng pampublikong transportasyon. Para sa mga commuters na walang pribadong sasakyan, isa sa mga naging alternatibo ang pagbibisikleta. Ito ang nagtulak sa Department of Transportation na maglagay ng mga bike lanes sa mga pangunahing kalsada katulad ng EDSA. Malaking tulong ito sa mga manggagawang commuters, lalo na sa mga frontliners.
Ang pagbibisikleta ay nakababawas sa gastusin at nakabubuti sa kalusugan. Hindi ito kumakain ng malaking espasyo kaya nakababawas ito sa matinding trapiko. Wala itong ibinubugang polusyon at carbon emissions na nagpapalala sa pag-init ng mundo. Sa pagdami ng mga bike commuters, napakahalagang maglaan ng sapat at ligtas na mga bike lanes hindi lang para mabawasan ang panganib ng aksidente kundi para mas marami ang mahikayat na magbisikleta.
Ngunit nakababahala ang plano ng Metropolitan Manila Development Authority (o MMDA) na gawing shared lane ang mga bike lanes sa EDSA. Papayagang gamitin ng mga nakamotorsiklo ang nakalaang espasyo para sa mga nagbibisikleta. Ayon kay MMDA Acting Chairman Don Artes, “underutilized” o hindi gaanong nagagamit ang mga bike lanes sa EDSA. Ipinahayag niya ito dalawang araw lamang matapos inanunsyo ng MMDA na pagmumultahin ng sanlibong piso ang mga nakamotorsiklong gagamit ng bike lane sa EDSA simula Agosto 21. Dagdag pa ng MMDA, ang bike lane ay hindi fast lane para sa mga motorsiklo. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, nakatakdang magkaroon ng stakeholders’ meeting ang MMDA kasama ang mga siklista at motorcycle riders bago isapinal ang rekomendasyon nito.
Noong nakaraang linggo lang din, ipinatanggal ni San Juan Mayor Francis Zamora ang mga bollards o barriers na nagsilbing proteksyon ng bike lane sa Ortigas Avenue sa lungsod. Ayon sa MMDA, nagpapasikip ng trapiko ang mga bollards. Ikinadismaya naman ito ng mga advocacy groups, lalo na’t kinikilala ang San Juan City bilang isa sa pinaka-bike friendly na lungsod sa Metro Manila.
Nakapagtataka ang ginawang ito ni Mayor Zamora dahil noong Abril, pinangunahan niya ang isang study tour ng Metro Manila Council, kasama ang pamunuan ng MMDA, sa Netherlands. Layon ng pagbisitang ginastusan ng MMDA na pag-aralan ang best practices sa bike system at urban mobility ng Netherlands. Pero batay sa mga hakbang na paatras sa pagsusulong ng pagbibisikleta, hindi natin maiwasang tanungin kung nag-sightseeing lang ba ang mga nagpunta sa Netherlands. Ano kaya ang natutunan nila sa nasabing study tour? Bakit tila mas pinapaboran nila ngayon ang mga sasakyang de-motor sa halip na protektahan ang mga bike lanes?
Sa pagtanggal ng mga bollards at planong gawing shared lanes ang bike lanes, malalagay sa peligro ang mga bike commuters. Hindi kasalanan ng mga bike lanes ang matinding trapiko sa kalunsuran. Sa Metro Manila, 30% lamang ng mga mananakay ang gumagamit ng pribadong sasakyan ngunit 78% ng kalsada ang sinasakop nila. Gaya ng binanggit sa Catholic social teaching na Laudato Si’, kung nais nating maibsan ang matinding trapiko, kailangan nating lumayo sa mga patakarang car-centric o pabor sa mga may pribadong sasakyan. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagbibigay-prayoridad sa pampublikong transportasyon at ibang pamamaraan katulad ng pagbibisikleta.
Mga Kapanalig, noong Pebrero, nagkaroon din ng planong gawing shared lane ang protected bike lane sa Ayala Avenue sa Makati City. Matapos ang pagprotesta ng mga siklista at advocates, nagkaroon ng pag-uusap sa pagitan ng iba’t ibang stakeholders kung saan napagkasunduang panatilihin ang protected bike lane sa naturang lansangan. Itinaguyod nila ang common good, isang prinsipyong isinusulong ng Santa Iglesia. Sa isyu ng mga bike lanes sa EDSA, pakinggan sana ang boses ng mga dehado sa kalsada. Itaguyod sana ng gobyerno ang common good, gaya ng pahayag sa Filipos 2:4 na pagmalasakitan ang kapakanan ng iba.
Sumainyo ang katotohanan.