1,110 total views
Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa sambayanang Filipino na magbuklod sa pananalangin para sa kapayapaan ng buong mundo lalo na sa Ukraine.
Sa panayam ng Radio Veritas kay CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David napakahalaga ng taimtim na pananalangin upang mapigilang lumala ang tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine.
“Kami pong mga obispo ng Pilipinas ay nalulungkot at nakikiisa sa mga kapatid nating kristiyano sa bansang Ukraine na talagang balisang balisa ngayon; magdasal tayo kasi we cannot afford another war, isang malaking perwisyo sa buong daigdig ang giyera,” pahayag ni Bishop David.
Hinikayat din ng obispo ang mananampalataya na makiisa sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco para sa Day of Fasting for Peace sa March 2, 2022, Ash Wednesday ang pormal na pagsisimula ng kuwaresma.
Pangamba ni Bishop David na ang paglusob ng Russia sa Ukraine ay hakbang upang ibalik sa panahon ng Union of Soviet Socialist Republic
Batid ng opisyal ang pakikibaka noon ng Ukraine upang makamit ang kalayaan tulad ng ginawang EDSA People Power ng Pilipinas noong 1986 na naging susi sa matagumpay na pagpapatalsik ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Bukod pa rito pinangangambahan din ni Bishop David na ang pagkilos ng Russia ay maaring mahimok ang iba pang makapangyarihang bansa na manakop ng mga maliliit bansa.
“Magdasal din tayo baka itong pangyayaring ito ay magbigay ng lakas ng loob sa mga world powers na mananakop din ng katulad ng invading a country,” ani Bishop David.
Batay sa huling tala iniulat ng Ukraine na nasa 137 na ang nasawing sibilyan at sundalo habang ayon naman kay British Defence Minister Ben Wallace sinabi ng UK na tinatayang 450 Russian personel ang nasawi mula nang maglunsad ng pang-atake ang Moscow umaga ng February 24.
Umaasa si Bishop David na magkaisa ang mga Filipino sa pagdulog sa Panginoon para kapayapaan ng mundo at mawakasan ang sigalot sa pagitan ng Ukraine at Russia.