184 total views
Pinaalalahanan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples (CBCP – ECMI) ang mga kumakandidato sa pagka – presidente at bise – presidente na iwaksi ang pansariling kapakanan sa paggastos sa kanilang mga campaign advertisement.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, malaki sana ang maitutulong ng bilyong pisong halaga ng salapi na gingastos ng mga kandidato upang maiahon sa kahirapan ang marami sa ating mga kababayan.
Aniya, tinatandaan rin ng mga botante ang nagawang kabutihan ng mga kandidato at kahit walang pera basta may pusong handang maglingkod at magmalasakit sa bayan at kapwa ang siyang pinunong pipilin ng mga Pilipino.
“Tayong mga Pilipino ating binabalikan, tinatandaan kung ano ang nagawa. Kahit wala naman pera basta nakikita natin na may ginagawang tama at totoo at una ay para sa Pilipino ang ating mga kapwa Pilipino ay iboboto sila, ang gawin nila ay huwag munang gumastos ng pera. Gamitin nila yung pera para gastusin sa ikatataas ng buhay at sa pagkakaroon ng ikabubuhay ng mga Pilipino ayt mapaganda ang buhay,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Tinukoy ng Philippine Center for Investigative Journalism o PCIJ ang pinagsama–samang gastos ng apat na presidentiables, limang vice – presidentiables at 24 na senatoriables na umabot ito sa P6.7 Bilyong piso na ang kanilang nagastos sa kanilang mga political advertisements na sinimulang ipalabas noong pang Marso 2015.
Nabatid pa ng PCIJ na sa nasabing halaga, ang nalalapit na May 9 national election na ang nakapagtala ng pinaka – magastos na halalan sa kasaysayan ng eleksyon sa bansa.