295 total views
Ipinaliwanag ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na mahalaga ang tungkuling ginagampanan ng simbahan sa lipunan.
Sa pagninilay ng Obispo, sinabi nitong ito ang dahilan ng pagtutol ng simbahan sa desisyon ng pamahalaan na ipagbawal pa rin ang misa sa mga simbahan sa pag-alis ng enhanced community quarantine.
“Mahalaga po ang misyon ng simbahan kaya tumututol tayo sa pamahalaan sa desisyon nila sa IATF (Inter Agency Task Force) na ipapahuli ang pagpayag ng religious services,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.
Ikinalungkot ng obispo na mas pinayagan ng gobyerno ang pagbubukas ng mga tindahan, banko at maging ng mga minahan subalit itinuring ang religious services na kasabay lamang sa mga concert, sinehan at entertainment.
Iginiit ni Bishop Pabillo na higit na kinakailangan ang simbahan sa magpapalakas ng mentalidad at espiritwalidad ng mamamayan na apektado sa ipinatupad na ECQ kung saan mahigpit na pinaiiral ang stay at home policy.
“Church services are essential services because the mission of the church is to bring us to where Jesus is; ang misyon ng simbahan ay ipagpatuloy ang misyon at gawain ni Hesus na dalhin tayo sa Ama,” giit ni Bishop Pabillo.
Magugunitang binawi ng I-A-T-F ang naunang desisyon na payagan ang religious activities sa mga lugar na isinailalim sa general community quarantine.
Umaasa si Bishop Pabillo na sa panahong makababalik ang mga tao sa simbahan para sa sama-samang pagpupuri sa Diyos ay maging malakas, masigasig at masigla ang bawat isa.
Nauna nang pinuna ni Ozamiz Archbishop Martin Jumoad ang desisyon ng gobyerno na ipagpaliban ang pagbubukas ng mga simbahan sa bansa ngunit mas pinaboran ang pagbubukas ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na sumisira sa moralidad ng mamamayan.
Read: https://www.veritas846.ph/arsobispo-hinamon-ang-pamahalaan-na-bawiin-ang-go-signal-sa-pagbubukas-ng-pogo-sa-bansa