867 total views
Umaasa si Father Greg Ramos, Priest Coordinator ng Caritas Paranaque na maging epektibo ang 911 Hotline ng pamahalaan para sa mas mabilis na pagtugon sa emergency situations.
Ayon kay Father Ramos, malaking tulong ang nasabing hotline ngunit kailangan nito ang kooperasyon at disiplina ng mga mamamayan upang maging mas epektibo.
Nababahala ang pari sa malaking bilang ng mga prank calls na naitatala sa 911 hotline dahilan upang maantala ang tugon sa mga mas nangangailangan.
“Syempre ang mga gumagamit nito sa hindi wastong paggamit ay makakasira din ng sistema dahil yung mga taong dapat makatawag dahil may emergency ay hindi basta-basta makapasok dahil nagagamit ito sa ibang bagay,”pahayag ni Fr. Ramos sa panayam ng Radio Veritas.
Tiniyak naman ng Pari na bukas ang Simbahan para makipagtulungan sa gobyerno upang mas maging epektibo ang mga programa sa emergency response.
Aniya, laging ipinaalala ng Simbahan ang kalahagahan ng pagiging responsableng mamamayan at pagpapahalaga sa buhay ng nangangailangan.
“Magbigay galang tayo dun sa mas nangangailangan ito yun binabanggit din ngayon nga na Jubilee Year of Mercy, We have to attend the most needy,”giit pa ng dating kadete ng Philippine Military Academy na naging Pari.
Batay sa datos ng PNP, umabot sa mahigit 2 libong tawag ang kanilang natanggap sa hotline 911 pitong oras matapos itong buksan sa publiko bagamat tatlong porsyento lamang mula sa nasabing bilang ang lehitimong may pangangailangan habang ang 45 porsyento nito ay maituturing na mga “prank calls”.