172 total views
Nanawagan ang Council of Teachers and Staff of University of the Philippines o (CoTeSCUP) sa Supreme Court na magdesisyon na sa isinampa nilang petisyon noong nakaraang taon na ideklarang unconstitutional ang K – 12.
Ayon kay Rene Tadle, lead convenor ng CoTeSCUP na ikinababahala na nila ang ilang mga guro na pinag-e-early retirement at tinatanggal na sa kanilang mga paaralan pinapasukan.
“Gusto naming sabihin na hindi lamang ‘yung aming petisyon ang nauna. Subalit may limang grupo pa nag-petisyon rin na similar yung petisyon. Pero up to now wala pang nangyayari. Nagwo–worry kami dahil nagkakaroon na ng tanggalan sa ibang mga eskwelahan at unibersidad. May mga teachers na pinag–early retirement may natatakot na mare–retend na sila by June 2016 dahil yung full implementation ay by June 2016 almost 3 months nalang,” bahagi ng pahayag ni Tadle sa Radyo Veritas.
Problemado rin ayon kay Tadle ang mga magulang sa paghahanap ng paaralan na maaring pasukan ng kanilang mga anak na may Grade 11 at 12. Naniniwala rin sila na hindi pa rin handa ang bansa sa implemtasyon ng K-12.
“Pangalawa may problema rin ‘yung mga parents kasi hindi nila alam kung talagang papasok ‘yung mga anak nila kung magge-grade 11 or 12 na ba ‘yung mga anak nila. May mangyayari pa ba du’n sa petisyon. Up to now hindi pa rin naman ready ‘yung gobyerno,” giit pa ni Tadle sa Veritas Patrol.
Nabatid na 30 libong mga guro mula sa teaching at non-teaching personnel ang mawawalan ng trabaho ngayong 2016 sa tuluyang pagpapatupad ng K-12 program sa bansa.
Nauna na ring tinutulan ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang K-12 matapos maglabas ito ng liham kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno na tugunan ang panawagan ng mga guro.