363 total views
Ang tagumpay ng idinaos na world meeting ng Economy of Francesco (EOF) sa Assisi Italy ang hudyat ng mabuting kinabukasan ng mga mahihirap at kalikasan.
Ito ang mensahe ni San Fernando La Union Bishop Daniel Presto, vice-chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education sa 1-libong mga kabataan, economic leaders at estudyante na kinatawan mula sa 100-bansa.
“Alam naman natin na itong meeting na ito ay mahalaga para isakatuparan ang layunin ng Santo Papa bilang isang world movement of young people na nais ma-convert o di kaya mabigyan ng mas malalim na kahulugan ang economic models na mayroong tayo sa ibat-ibang bansa. Ito ay paglalayon na mabigyang pansin ang kahalagahan ng kalikasan at kahalagahan ng mga mahihirap sa ating lipunan at hindi ang profit ang nangunguna,”pahayag ni Bishop Presto sa Radio Veritas
Hamon ng Obispo sa mga kinatawan ng ibat-ibang bansa higit na sa 10-kinatawan ng Pilipinas na dumalo sa pagtitipon na pinaigtingin ang pagsasabuhay at pagkilos upang maisakatuparan ang mga adbokasiya ng EOF.
Ayon sa Obispo, gaano man ito kaliit sa simula at kahit pa hiwa-hiwalay itong isasagawa, sa tulong ng pinagsama-samang pagsisikap ng 1-libong kinatawan ay dahan-dahang makikilala at higit na magagamit ang mga makabagong sistema tungo sa pag-unlad ng ekonomiya kasama ang mahihirap.
Sinabi ng Obispo na sa tulong ng EOF movement ay mapapabuti ang kalagayan ng kalikasan.
“Sa kalikasan ay umaasa ang maraming mga indegenous peoples kung hindi man, maging ang mga non-indegenous peoples, ang kapwa ay isang natatanging yaman na mayroon tayo na bigyang kahalagahan kaya nga’t sa dalawang ensiklikal na ito (Laudato Si at Fratelli Tuti) makikita yung punto ng ating Santo Papa ang pakikipag-kapatiran sa kapwa at ang pangangalaga sa kalikasan,,” dagdag ni Bishop Presto.
Ang Economy of Francesco ay nagsimula noong 2019 sa pangangasiwa ng Italian Economist na si Luigino Bruni matapos manawagan ang Santo Papa sa mga kabataan at economic leaders sa buong mundo na lumikha ng bagong sistema sa ekonomiya na isasama ang mga mahihirap sa pag-unlad at pangangalagaan ang kalikasan.