588 total views
Ipagpatuloy ang malasakit sa kapwa ngayong hinaharap ng buong mundo ang ibat-ibang suliranin.
Ito ang mensahe ni Kej Andres, president ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) sa bawat mamamayan higit na sa mga kabataan sa nalalapit na paggunita ng World Youth Day sa August 12.
“Ang hamon natin sa Kristiyanong kabataan ngayong International Youth Day ay tanganan iyong krus ng kapwa Pilipino na nakakaranas ng iba’t ibang pasanin dahil sa krisis sa ekonomiya,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Andres sa Radio Veritas.
Umaasa si Andres na maglaan ng panahon ang mga kabataan na alamin ang kahirapang nararanasan ng kapwa upang makagawa at makilahok sa mga inisyatibong tutulong sa mga nangangailangan.
Nanawagan rin ng paninindigan ang SCMP sa mga kabataang anak ng manggagawa, magsasaka at mangingisda na makiisa sa kanilang mga magulang upang mapalakas ang mga panawagan ng sektor.
Apela din ng Pangulo ng SCMP sa mga kabataan ang pakikiisa sa mga panawagan na paigtingin ng mga paaralan ang pagtuturo ng kasaysayan sa Pilipinas sa halip na unahin ang panunumbalik ng Mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC).
Taong 1986 ng unang ipagdiwang ang World Youth Day sa pangunguna ng dating Santo Papa Pope John Paul II.
Sa Papal Visit ni Pope John Paul sa Pilipinas upang gunitain ang World Youth Day noong 1995 ay naitala ang pagdalo ng 5-milyong mananampalataya sa Quirino Grand Stand.