1,137 total views
Tungkulin ng bawat mamamayan mayaman man o mahirap ang magbayad ng buwis dahil nakasaad ito sa saligang batas ng Pilipinas.
Ito ang pagninilay ni Borongan Bishop Crispin Varquez sa usapin ng 203-Billion pesos estate tax na sinisingil ng Bureau of Internal Revenue sa pamilyang Marcos.
Pagbibigay diin ng Obispo, bilang may mga katungkulan sa pulitika katulad ni Senator Imee Marcos at presidential candidate Bongbong Marcos ay dapat magsilbing ehemplo ang pamilya pagdating sa tamang pagbabayad ng buwis.
“Anumang klase ng buwis na ni-require ng law for the Filipino people dapat magbayad, dapat magbigay Pangalawa is hindi lang naman ang ordinaryong mamamayan ang may obligasyon tapos dapat yung ating mga political leaders yung ating mga nasa pambansa siya dapat ang magbigay ng model sa pag-observe sa law sa paying taxes,” pahayag ni Bishop Varquez sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon naman kay Nassa/Caritas Philippines National Director Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, panahon narin para patunayan ni Presidential Candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr ang naunang pahayag hinggil sa pagsunod sa mga batas na ipinapatupad sa bansa.
Ayon pa kay Bishop Bagaforo, pagkakataon din ito para kay Bongbong Marcos na maging mabuting ehemplo sa bawat mamamayan higit na sa kaniyang mga taga-suporta.
Ipinapanalangin naman ni Bishop Varquez ang pagkakaroon ng marangal at mapayapang halalan sa Mayo.
Hinihiling ng Obispo na pairalin ng mga botante ang pag-ibig sa bayan upang maihalal ang karapat-dapat na susunod na mga pinuno ng bansa.
Ayon pa kay Bishop Varquez, naway maghari ang katotohanan sa papalapit na halalan at mapagtagumpayan rin ng Pilipinas ang pagsubok ng digmaang dulot ng pananakop ng Russia at Ukraine.
“We pray to the lord na iyan ang ating marating, maraming mga challenges on the way higit na ngayong pagsiklab ng digmaan pero I hope and pray na hindi mangyari dahil sa nangyari sa Ukraine hindi sana mag-escalate yung ating kalagayan kaya I hope sa ating bansa in more than a month nalang mag-eleksyon na, all Filipinos will cast their votes sa pamamaraan ng paggabay ng katotohanan at the same time na sa spirit of patriotic,” ayon pa sa Obispo.
Hinahamon ng iba’t-ibang grupo ang Bureau of Internal Revenue na kasuhan ng criminal ang pamilyang Marcos dahil sa patuloy na hindi pagbabayad ng estate tax sa nakalipas na 25-taon.
Inihayag ng Presidential Commission on Good Government o PCGG na na-execute na ng B-I-R ang final assessment noong 1997 at ang hatol sa tax case ay final at executor na.