18,375 total views
AVT Liham Pastoral: Pumili ng Maayos
“Saksi ko ang langit at lupa na ngayo’y inilahad ko sa inyo ang buhay at kamatayan, ang pagpapala o sumpa. Kaya, piliin ninyo ang buhay para kayo at ang inyong lahi ay mabuhay ng matagal.” (Deuteronomio 30:19)
Mga minamahal kong mga kapatid na mga mamamayan, Ang kapayapaan ng Panginoong Jesus ay sumainyo!
Nalalapit na naman ang halalan na mangyayari sa ika-12 ng buwan ng Mayo. Pipili tayo ng mga mambabatas sa senado, sa kongreso, sa sangguniang panlalawigan, at sa sanggunian ng municipio. Sila po ay mga mambabatas. Ang pinakagawain nila ay gumawa ng batas. Iboto po natin ang marunong gumawa ng mga batas na makakatulong sa pangkaramihan at sa kalikasan. Pipili din tayo ng mamumuno sa atin sa lalawigan, ang gobernador at bisi gobernador at ng mayor ng ating municipio at ng kanyang bisi-mayor. Sila ang mga magpapatupad ng batas. Pumili po tayo ng maayos.
Tayo po ang pipili. Ang mapipili natin ang magseserbisyo sa atin. Iluluklok natin sila at babayaran natin sila para manungkulan. Ang sweldo nila ay galing sa buwis natin at ang mga projects nila ay galing sa pera natin. Sila ang maglilingkod sa atin, at hindi tayo ang maglilingkod sa kanila. Kaya ngayong panahon ng pangangampanya sinusuyo nila tayo. Pinupuntahan nila tayo upang magpakilala sila sa atin at upang maglahad ng kanilang mga programa para sa atin. Kaya tanungin po natin sila ng kanilang gagawin kung manalo sila. Piliin natin ng mabuti at ihalal natin ang mga taong nararapat na manungkulan sa atin.
Pero, ano ang nangyayari ngayon? Binibili nila tayo ng mga ibinibigay nila sa atin. Pumupunta sila sa ating mga lugar hindi upang magpaliwanag ng kanilang programa ngunit upang mamigay. Namimigay sila ngayon ng mga ayuda sa atin. Wala namang kalamidad, bakit may ayuda? Kung nakikita nila na talagang mahirap ang buhay ng tao at kailangang tulungan, bakit ngayon lang sila namimigay ng ayuda na malapit na ang eleksyon? Ang mga ayudang ito sa anyo ng pera, o bigas, o iba pang pagkain ay ginagamit upang makuha ang loob natin at ihalal sila. Wala namang masama na tanggapin ang ayuda o anumang ibinigay sa atin, pero hindi nangangahulugan na dahil nakatanggap na tayo ay iboboto na natin sila. Sa pamamagitan ng mga ayudang ito, binibili nila tayo. Huwag nating ipagbili ang boto natin. Huwag nating ipagbili ang dangal natin. Huwag nating ipagbili ang bansa natin.
Isa pang paraan na ginagamit nila ay tinatakot nila tayo. Malalaman daw nila na nakatanggap tayo at iba ang binoto natin. Hindi ito totoo. Hindi nila ito malalaman kung hindi natin ipinapaalam sa kanila. At wala silang karapatan na alamin ang boto natin, kaya nga secret balloting ang ating halalan, kaya huwag tayo magpadala na sabihin sa kanila ang boto natin. At kahit pa malaman nila ang binoto natin, ano ang magagawa nila? Sa totoo lang, sila ang lumalabag sa batas na namimili sila ng boto. Salamat sa ayuda at sa pera na binigay nila pero wala tayong tungkulin o utang na loob na ihalal sila kung may nakikita tayong mas magaling at mas maaasahan pa kaysa kanila na mangasiwa sa atin.
Ang isa pang paraan na ginagamit upang linlangin at takutin tayo ay pinapapirma tayo sa natanggap natin o binibigyan pa nga tayo ng card o ID na kasama na raw tayo sa kanilang samahan. Ok lang na kasapi tayo sa grupo nila pero hindi nangangahulugan na tayo ay maging mga tau-tauhan na lang nila at madidiktahan nila tayo. Tandaan natin na ang mga politiko ang dapat susunod sa taong bayan at hindi tayo ang magiging sunud-sunuran sa kanila. Huwag tayong maging tuta ninuman. May kalayaan tayo at ito ay panindigan natin. Nagiging malaya tayo sa wastong paggamit ng ating karapatang bumoto ayon sa ating paniniwala.
Ang kalayaan natin ay isang dakilang biyaya ng Diyos na bahagi ng ating pagkatao. Pati ang Diyos ay hindi namimilit sa atin. Iginagalang ng Diyos ang ating pasya. Huwag basta ipagpalit ang ating pasya sa anumang ayuda, o pera, o pananakot o panlilinlang at paninira na sinasabi sa atin. Piliin natin ang ikabubuti ng bansang Pilipino at hindi lang ang ating sarili o ang ating pamilya.
Halalan na naman. May pagkakataon na naman tayo na pumili ng mga taong maaasahan natin. Nasa kamay po natin ang buhay o ang kapahamakan ng ating bayan. Tulad ng sinabi ni Moises: “Piliin ninyo ang buhay para kayo at ang inyong lahi ay mabuhay ng matagal.”
Ang kapwa ninyong mamamayan,
Obispo Broderick Pabillo
Obispo ng Bikaryato Apostoliko ng Taytay
Ika-19 ng Marso, 2025, ang Kapistahan ni San Jose