192 total views
Nanawagan ang Alyansa Tigil Mina sa bawat isa lalo na sa mga nagnanais mamuno sa bansa na pagtuunan ng pansin ang lumalalang suliranin ng bansa sa nagbabagong klima.
Ayon kay Jonal Javier Campaign Officer ng ATM, bukod sa kurapsyon isa din sa pinakamalakaing usapin na dapat tutukan ng mga nagnanais mahalal ang pagdami ng Climate Change Victims.
Kaya naman hinikayat ni Javier ang mga pulitiko na ihayag sa kanilang mga plataporma ang mga proyekto nito para sa kalikasan.
“Panawagan sa lahat ng tao at sa lahat po ng pulitiko na gawing issue ang kalikasan, hindi lamang po ang eleksyon ngayon ay issue ng kurapsyon, ito po ay mas higit pa dyan ay issue po ng kinabukasan ng mamamayan at lalo na ang pangangalaga sa ating kalikasan kayadapat po ito’y ating isa alang alang.” Pahayag ni Javier sa Radyo Veritas
Sa datos ng Climate Change Vulnerability Index noong 2011 pang anim ang Pilipinas sa sampung bansang pinaka apektado ng extreme weather conditions na dulot ng Climate Change.
Dahil dito, inumpisahan na ng ATM at iba pang environmental groups ang pagsusulong ng Green Thumb, isang programang naglalayong imulat ang mamamayan sa mga katangiang dapat taglayin ng tunay na lider ng bansa.
Layunin rin ng Green Thumb na hingin ang pangako ng mga kakandidato na tukuyin at bigyang solusyon ang mga dahilan ng pagkasira ng kalikasan sa Pilipinas.
Una nang inihayag ni Pope Emeritus Benedict XVI na ang bawat isa ay may responsibilidad; sa mga dukha na unang naaapektuhan ng nagbabagong klima; sa susunod na henerasyon na magmamana ng kasalukuyang daigdig; at sa buong sangkatauhan, dahil dito marapat lamang na ang pinuno ng bawat bansa ang manguna sa pagprotekta sa kalikasan.