8,984 total views
Ipinagdiwang ni Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona ang kanyang ika-36 anibersaryo sa pagkapari sa pamamagitan ng Banal na Misa sa Our Lady of Perpetual Help Chapel sa Sitio Mariahangin, Bugsuk, Balabac, Palawan, nitong Lunes Santo, April 14.
Ayon kay Bishop Mesiona, maituturing itong isa sa pinakamakahulugang anibersaryo bilang pari, sapagkat ipinagdiwang ito kasama ang mga residente ng Sitio Mariahangin na kasalukuyang nahaharap sa banta ng sapilitang pagpapaalis mula sa mga lupaing ninuno.
Iginiit ng obispo na nagkakaroon lamang ng tunay na kahulugan ang pagkapari kapag ito’y isinasabuhay sa piling ng mga taong nangangailangan ng tulong at paggabay ng Panginoon.
“It’s 36 years ago today since I was ordained as a priest, and to be honest, this is one of the most meaningful anniversaries I celebrate because I spend it here in Mariahangin with people who are under threat of being displaced from their homes. The priesthood can only be meaningful against the backdrop of the people you are called to serve,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Mesiona.
Bago ito, pinangunahan ni Bishop Mesiona, kasama sina Fr. Diego “Jiggs” Orcino, SVD, at Fr. Jumen Ma. Arcelo, OSM, ang pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas sa Sitio Mariahangin nitong April 13–ang unang pagdiriwang sa loob ng mahigit tatlong dekada.
Binisita rin ng obispo at ilang mga pari ang mga residente ng lugar na patuloy na nagbabantay sa pamayanan at lupaing ninuno laban sa presensya ng mga armadong guwardiya.
Taos-puso naman ang pasasalamat ng mga residente at ng SAMBILOG Balik Bugsuk Movement sa pagdalaw nina Bishop Mesiona at mga pari, na sumisimbolo ng pakikiisa ng simbahan sa patuloy na laban para sa karapatan sa lupaing ninuno, seguridad, at dignidad ng mga taga-Sitio Mariahangin.