19,771 total views
Muling hinimok ng Association of Catholic Shrines and Pilgrimages of the Philippines ang mga miyembro na makiisa sa ika – 28 𝐀𝐂𝐒𝐏 𝐍𝐚𝐭𝐢𝐨𝐧𝐚𝐥 𝐀𝐬𝐬𝐞𝐦𝐛𝐥𝐲 ngayong Pebrero.
Isasagawa ang pagtitipon sa February 19 hanggang 21, 2024 sa Archdiocese of Lipa sa Batangas.
Layunin ng pagtitipon na ibahagi ang mga natutuhan ni ACSP President at International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage Rector Fr. Reynante Tolentino sa ginanap na ikalawang International Convention of Rectors and Pastoral Workers of Shrines sa Vatican noong Nobyembre 2023.
Bukod dito pagtuunan din ng pansin ng ACSP ang mahalagang gawain ng mga dambana sa bansa ang mga programang makatutulong sa paghuhubog ng pananampalataya ng mamamayan.
“This is to emphasize the importance of charitable programs in our shrines as dispensers of God’s mercy and compassion, especially as we anticipate the 2025 Jubilee of the Universal Church,” bahagi ng pahayag ng ACSP.
Isasagawa ang assembly sa Lima Park Hotel sa Batangas kung saan pagninilayan ang temang ‘The Shrine as a House of Prayer and Center of the Works of Mercy.’
Ito rin ang pagtalima ng grupo ng mga shrine ng Pilipinas sa panawagan ng Santo Papa Francisco na itaguyod ang pagkakaroon ng national at international assemblies upang himukin ang mananampalataya na makiisa sa ‘renewal of the pastoral ministry of popular piety and of pilgrimage to places of worship.’
Sa datos ng ACSP noong 2023 nasa 296 ang shrines sa buong Pilipinas kung saan 220 rito ang kasapi na ng ACSP.
Nangunguna ang National Capital Region at Southern Luzon sa may pinakamaraming naitalagang dambana na 126 kabilang na ang International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage; 76 sa Visayas; 72 sa Northern at Central Luzon habang 22 naman sa Mindanao.