224 total views
Pinatotohanan ng Archdiocese of Cotabato ang lumalalang pinsala ng El Nino sa Mindanao.
Ayon kay Cotabato Auxiliary Bishop Jose Colin Bagaforo, kinakailangan ng tugunan ng pamahalaan ang suliraning kinakaharap ng mga magsasaka lalo ng mga katutubo na umaasa lamang sa kanilang lupang sakahan na nalulugi dahil sa matinding El Nino.
Panawagan pa ng Obispo, magkaroon sana ng programa ang gobyerno upang maibsan ang kagutuman na nararanasan ng mga 4 na grupo ng mga Lumad na apektado sa Mindanao.
“Totoo yun marami tayong lugar dito sa Cotabato Province dito sa Central Mindanao na apektado ng El Nino. Kaya panawagan nation sa ating pamahalan kung maari unang – una matugunan yung nararanasang gutom ng ating mga farmers lalong – lalo ng mga indigenous peoples. Yung mga terori sa Opi, yung mga Manobo sa Ninoy Aquino, yung mga Tiboli sa area ng South Cotabato, apektado na rin yung mga Manobo dito sa Kidapawan area. Kung maari sana may maibigay tayong tulong na pagkain,” bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radyo Veritas.
Hiniling din nito na kinakailangan ng “cloud seeding” upang magkaroon ng ulan sa mga lugar na apetado ng tag – tuyot.
Mainam rin aniya na mabigyan ng pansamantalang puhunan ang mga magsasaka upang maiwasan na ibenta na lamang nila ang kanilang lupain sa mga negosyante para matustusan lamang ang pag – aaral ng kanilang mga anak.
“Pangalawa sana magkaroon rin tayo ng tinatawag na ‘Cloud Seeding’ na magkaroon tayo ng intervention sa nature para magkaroon tayo ng ulan sa mga areas na ito. Pangatlo siguro magkaroon rin ng konting programa ang ating pamahalaan na magkaroon ng konting pera yung ating mga farmers matulungan sila na makabangon sila mula sa kanilang hindi successful na pagtatanim dahil naapektuhan sila ng El Nino,” giit pa ni Bishop Bagaforo sa Veritas Patrol.
Batay sa ulat ng Department of Agriculture o DA tinatayang mahigit P4 na bilyong piso na ang naluging sakahan sa bansa dahil sa tag – tuyot nitong mga nakaraang 2 buwan.
Mataas na bilang naman ang naitala sa Automous Region of Muslim Mindanao o ARMM ang mga apektadong magsasaka o mahigit 16 na libo na may P200 milyong halaga ng lupaing sakahan ang nasira.