11,171 total views
Inihayag ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy na ang mga langis na binasbasan ng simbahan tuwing Chrism Mass ay tanda at paalalang makibahagi sa misyon ni Hesus.
Ayon sa obispo sa pamamagitan ng mga sakramento ng simbahan nawa’y magdudulot ito ng pag-asa sa pamayanan lalo’t higit ang mga pinanghihinaan.
Pinangunahan ni Bishop Uy ang Chrism Mass ng diyosesis nitong Lunes Santo, April 14, kung saan kasabay ng pagbabasbas ng mga langis ay isinagawa rin ang pagsariwa ng pangako ng mga pari sa kanilang tungkuling pagpapastol sa kawang ipinagkatiwala sa kanilang pangangalaga.
“The oil we bless today is not just a symbol, but a sign of the mission we are called to embrace: To be bearers of hope in a world that thirsts for it” bahagi ng pagninilay ni Bishop Uy.
Kabilang sa mga binabasbasang langis ang para sa mga maysakit, langis para sa mga inihahanda sa binyag at banal na krisma.
Ito ay ginagamit ng simbahan sa paghahatid ng mga sakramento tulad ng binyag, kumpil, para sa mga may karamdaman at pag-oorden sa mga pari ng simbahan.
Ngayong taon kasabay ng pagsariwa ng pangako ng mga pari sa kanilang tungkulin sa simbahan ay isinapubliko rin ni Bishop Uy ang bagong assignment ng mga pari para sa halos 60 mga parokya, mission stations, chapels, parochial schools at iba pang tanggapan ng diyosesis.
Kabilang sa mga itinalaga ng obispo sa kanilang tungkulin bilang Vicar General si Fr. Gerardo Saco, Jr.; Chancellor naman si Fr. Heraldin Laniba; Oeconomus si Fr. Jofel Naraga; Judicial Vicar si Fr. Milan Ted Torralba habang Judge of the Tribunal of the First
Instance naman sina Fr. Torralba kasama sina Msgr. Harold Anthony Parilla at Fr. Frankeley Balladares, PACEM.
Katuwang ni Bishop Uy sa pagpapastol sa halos isang milyong katoliko ng Diocese of Tagbilaran ang humigit kumulang 180 mga pari na mayorya ay diocesan priests.
Umapela naman si Bishop Uy sa mananampalataya na patuloy ipanalangin ang mga pari na manatiling tapat sa tungkuling mangalaga sa pastoral at espiritwal na pangangailangan ng mamamayan.